'Love and Death'
KUNG ANG MGA PADER, dingding, suwelo at kisame ay nakapagsasalita lamang, maiisawalat nito ang tunay na pangyayari sa isang misteryosong krimen.
Ang taong tinutukoy ko ay si Melinda “Linda” Yam Lee, 54 na taong gulang ng Bf Homes Las Piñas. Nagpunta siya sa aming tanggapan upang humingi ng tulong na malutas ang nangyari sa kanyang anak.
Ang kanyang anak na si Cristopher Yam Lee ay natagpuang patay sa loob ng kanyang kwarto sa ibabaw ng kanyang kama. May tama ito ng bala sa tuktok, sa may kanang bahagi ng kanyang ulo.
Si Christopher o “Tope” ay pang-apat sa pitong magkakapatid.
Aminado si Linda na isa siyang kunsintidorang ina, sinusubukan niyang ibigay sa abot ng kanyang makakaya ang luho ng kanyang mga anak.
Paborito niyang anak si Tope. Kwela, masayahin, palakaibigan at masipag mag-aral si Tope. Mataas ang pangarap nito sa buhay at isa na dito ang mapagtapos ang tatlo pa niyang nakababatang kapatid.
Mahilig din sumayaw si Tope. Nakilala niya dito ang isang babaeng mas matanda sa kanya ng tatlong taon. Ito ay si Rochella Costa o higit na kilala sa pangalang “Che.”.
Ang kanilang mga buhay ay pag-iisahin dahil sa isang ‘common interest’, ang interes nilang pareho sa larangan ng pagsayaw. Daig pa ni Tope si Michael Jackson sa bilis ng kanyang mga paa at ito’y ipinamalas niya sa maramnig tao sa isang ‘arcade game’ na ‘dance revo’.
Pinabilib niya ang lahat ng mga nanunood sa kanya. Si Che ay namangha sa kanyang mga galaw.
Hindi naman nakalampas ng pansin kay Tope ang ganda ni Che. Naging madalas silang magkita sa ‘arcade’ at hindi nagtagal sila’y naging magkasintahan.
“Nakilala ko si Che ng iuwi siya sa bahay. Pinagsabihan ko na napakabata niya para seryosong makipag relasyon lalo na sa isang babeng higit na mas matanda sa kanya,” wika ni Linda.
Naging matigas ang ulo ni Tope, hindi ito nakinig. Naging madalas ang pagtulog ni Che sa bahay nila at kahit ang ina niya ay hindi na mapigil ang kanilang relasyon.
Apat na taon na nagsasama sila sa bahay.
Hindi naging madali ang relasyon ng dalawang bata. Saksi ang mga tao sa loob ng kanilang bahay na madalas silang mag-away.
Tuwing mag-aaway sila dahil selosa umano si Che, lumalayas ito at makalipas naman ang ilang araw, bumabalik din ito.
Noong Ika-4 ng Marso 2009, lumayas na naman si Che. Kinaumagahan bandang alas 9:00 ng umaga nabigla si Linda ng lapitan siya nito at diretsahang kinompronta, “Ayaw niyo po ba ako para sa anak niyo?”
Mabilis sumagot si Linda, “Hindi ako namimili ng makakasama ng anak ko. Apat na taon na kayo nagsasama, ngayon mo pa ko tatanungin nyan?”
Alam na ni Linda na nag-aaway na naman ang dalawa.
Alas 11:00 ng umaga, dumating ni Tope galing iskwela. Inumpisahan nitong ilabas ang kanyang mga gamit sa kwarto.
Napansin ni Linda na naghahatian sila ng gamit. Ayaw niyang makialam kaya ang ginawa niya, sinabay niya na lang si Che paalis ng bahay. Bumaba si Che sa Toyota, Concha Cruz. papuntang Alabang. Naghiwalay na sila, sinabi nito kay Linda na isasanla niya umano ang ‘Play Station 3’ (PS3).
Kinabukasan bandang 1:00 ng hapon dumating si Linda at dumiretso sa kwarto ni Tope upang ibigay ang perang pang ‘tuition’ nito.
Nagulantang siya ng buksan niya ang pinto. Nakita niya ang duguang ulo at walang malay na anak. Narinig niya ang sarili niyang sumisigaw.
“Nilapitan ko at niyakap ko ang aking anak. Nakita kong nangingitim na ang kanyang daliri at labi, may malaki din siyang pasa sa mukha,” paglalahad ni Linda.
Sinugod niya si Tope sa pinaka malapit na ‘emergency clinic’ sa BF, subalit ‘dead on arrival’ na si Tope.
Ayon sa Post-Mortem Findings na isinagawa ni Dr. Reynaldo Romero ‘gunshot wound, parietal area, head right’ ang sanhi ng pagkamatay ni Tope.
Hindi matanggap ni Linda ang nangyari sa kanyang anak kaya’t isa-isa niyang tinanong ang mga kasama nito sa bahay kung anong nangyari.
ANO ANG MGA PAHAYAG ng mga kasama ni Tope sa bahay bago ito natagpuang patay? Ano ang tunay na nangyari? Ano ang kaugnayan ng mabilis na pag-alis ni Che?
(KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 maari din kayong tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tanggapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Ugaliing makinig sa DWIZ 882 tuwing Lunes hanggang Biyernes ganap na alas 3:00-4:00 ng hapon, at Sabado 7:00-8:00 ng umaga.
NAIS NAMIN ibalita sa inyo na ang aming tanggapan Hustisya Para sa Lahat ay bukas mula 8:30 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali para sa mga taong may pasok at hindi makapunta sa ordinaryong araw.
Meron din kaming 24/7 Hotline na maari ninyong tawagan. Ang aming numero ay 7104038.
Email: [email protected]
- Latest
- Trending