NOONG nakaraang taon, ika-141 ang Pilipinas sa pagiging corrupt, ngayon medyo na-improved sapagkat bumaba sa ika-139th. Ang ranking ay ginawa ng corruption watchdog Transparency International (TI) sa kanilang 2009 Corruption Perceptions Index (CPI). Ayon sa TI, may kabuuang 180 bansa ang sinuri ng mga business people at mga analyst kaugnay sa pamamalakad. Kahati ng Pilipinas sa puwesto ng pagiging corrupt ang Bangladesh, Belarus at Pakistan. Magkakahalintulad sila ng balat sa pagiging corrupt. Ang mga pinaka-corrupt ay ang Somalia, Afghanistan, Myanmar, Sudan at Iraq. Noong nakaraang taon, Somalia pa rin ang nananatiling pinaka-corrupt na bansa. Nangunguna naman ang mga bansang walang nangyayaring corruption: New Zealand, Denmark, Singapore, Sweden at Switzerland.
Taun-taon, lagi nang nagkakaroon ng ranking ang TI sa lahat ng mga bansa na may kaugnayan sa corruption at masakit sabihin na malayong makapuwesto ang Pilipinas sa top ten ng mga bansang walang corruption. Hindi mangyayari ang ganoon sapagkat nakakapit na ang corruption sa halos lahat ng mga tanggapan ng gobyerno. Maihahalintulad na sa cancer ang corruption sa bansa na nakakapit na sa buto at mahirap nang kayurin. Kahit na nagtatag pa ang kasalukuyang pamahalaan ng mga ahensiya o task force na mag-iimbestiga sa mga corrupt na opisyal at empleado sa mga tanggapan, wala ring epekto. Balewala lang ang pagbabanta sapagkat lalo pang lumalala ang corruption. Wala nang bisa sapagkat maski ang mismong tanggapan na itinatag para lumaban sa katiwalian ay pinamumugaran na rin umabo ng anay.
Ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) ay tinatag sa panahong masyado nang iritado ang foreign investors sapagkat grabe na ang red tape sa mga tanggapan. Ayon sa mga dayuhan, kapag hindi nasupil ang corruption, mapipilitan silang alisin ang kanilang negosyo at ililipat sa ibang bansa. Nabagabag si President Arroyo kaya itinatag ang PAGC at pinairal ang lifestyle check.
Pero kakatwang nasa kontrobersiya ang PAGC sapagkat inaakusahan ang namumuno ng corruption at nepotism. Ipinag-utos naman ni Mrs. Arroyo ang imbestigasyon sa napabalitang kontrobersiya.
Paano nga ba masusupil ang corruption kung mismong ang nag-iimbestigang tanggapan ay sangkot? Puwede bang mag-alis ng puwing ang meron ding puwing?