ALAM mo ba na ang katawan natin ay puno ng tubig? Ang utak natin ay may 74% tubig. Ang masel natin ay 75% tubig. Kahit ang matigas nating buto ay may 22% na tubig.
Kaya nga hindi ko maintindihan kung bakit napakaraming Pinoy ang ayaw uminom ng tubig? Mayroon diyan, 3 baso lang kung uminom sa isang araw. Kulang po ito. Heto ang mga sakit na matutulungan ng pag-inom ng tubig:
1. Para sa sakit sa bato – Ang sanhi ng bato sa bato (kidney stones) ay ang kakulangan sa tubig. Dahil dito, nagiging madilaw ang ihi at namumuo tuloy ang bato. Mag-ingat at baka tumuloy sa kidney failure at dialysis.
2. Para sa impeksyon sa ihi – Kapag kulang ka sa tubig, mas kakapitan ka ng impeksyon sa ihi o balisawsaw.
3. Para sa lagnat – Nakapagpapababa ng lagnat ang pag-inom ng tubig. Ito’y dahil maiihi mo ang “init” sa iyong katawan. Painumin ng tubig at juice ang mga may lagnat.
4. Para sa ubo, sipon at trangkaso – Ang sapat na tubig ay nagpapalabnaw ng sipon at plema. Mas bibilis din ang paggaling sa trangkaso.
5. Para sa pangangasim ng tiyan – Malaki ang tulong ng tubig para mahugasan ang acido sa ating sikmura. Sa pag-inom ng tubig, mababawasan ang ulcer, impatso at sakit ng tiyan. Mas gusto ng tiyan ang maligamgam na tubig.
6. Para lumakas – Kapag kulang ka sa tubig, magiging matamlay ka at manghihina. Lalo na kapag mainit ang panahon, uminom ng maraming tubig.
7. Para sa sakit ng ulo – Nakatutulong ang tubig sa pagtanggal ng migraine o sakit ng ulo.
8. Para pumayat – Bago kumain, uminom ka muna ng 1-2 basong tubig. Mabubusog ka nito at hindi ka mapapakain ng marami. Hindi po nakatataba ang tubig.
9. Para gumanda – Ito ang mahalaga sa lahat. Ang beauty secret ng mga dermatologists ay tubig lang. Kapag kulang ka sa tubig, lulubog ang iyong mata at kukulubot ang balat (wrinkles). Uminom ng tubig para kuminis at kumintab ang iyong kutis. Umiwas ka rin sa araw para hindi kumulubot.
Anong klase ng tubig ang dapat inumin? Alam kong may kamahalan, pero uminom na lang ng bottled water, purified water o pinakuluang tubig. Hindi ligtas ang tubig sa gripo. Mag-ingat at baka magkasakit tayo.
Tandaan:
Para makaiwas sa sakit, uminom ng tubig.