^

PSN Opinyon

'Kapitan Kidlat kinasuhan'

- Tony Calvento -

Noong Hunyo 2009, isinulat namin ang nangyari sa isang binata na nagngangalang Elesio “Jung” Velez Jr., 21 taong gulang.

Si Eliseo o Jung sa kanyang mga kaibigan at pamilya ay nakuryente ng ito’y madikit umano sa bakod ng kapit bahay na nilagyan ng kuryente ang mga yerong nakapaligid sa bahay nila. Ang kaso ni Jung ay inilapit sa amin ni kaibigang Julius Babao ng channel 2 dahil ang ina ni Jung na si Vilma Velez ay isang ‘wardrobe custodian’ sa kapamilya network.

Itinuturong sina Jesus at Elena Toca ang may kasalanan dahil sa kanilang ‘criminal negligence’ sa ilegal na paglalagay ng kuryente sa bakod ng kanilang bahay.

Matatandaan na noong Hunyo 24, 2008, bandang ala una ng madaling-araw, itong si Jung ay nakuryente habang papunta sa tindahan upang bumili ng alak kasama ang pinsang si Roger Canaling alyas Tuting.

Tapos ng mag-inuman sila Jung at nag­hiwalay na sila ng kanyang mga kasama. Dumaan siya sa tinda­han upang bumili ng sigarilyo ayon sa kanyang pinsang si Tuting.

Batay sa salaysay ng isang testigo na si Mylene Atencio sinabi nitong, “May narinig akong isang malakas na kalabog. Ang ginawa ko sumilip ako, nakita ko itong si Jung nadikit sa bubong na yero at nangingisay,”.

Mabilis niyang sinara ang pinto. Hindi siya makaalis sa kanyang kinatatayuan dahil nanigas siya sa kanyang nasaksihan. Nadinig niyang umuungol itong si Jung. Matapos matauhan si Mylene, lumabas siya’t humingi ng tulong. Nalaman naman ni Tuting ang nangayari sa kanyang kaibigan kaya mabilis niya itong ipinagbigay alam kay Vilma.

“Tumakbo ko palabas sa kalye madilim ng mga oras na iyon, hinanap ko ang aking anak nakita ko si Jesus na naka­tingkayad sa lupa may hawak na flashlight,” kwento ni Vilma. Nakiusap si Vilma kung pwede niyang mahiram ang ‘flashlight’ upang madaling mahanap ang anak nito subalit hindi siya pinagbigyan ni Jesus.

Sa hindi kalayuan nakita niyang nakahandusay ang kanyang anak, walang malay. Nakaluhod ito at ang kanyang mga kamay ay nasa kanyang likod. Humingi siya ng tulong, dumating ang barangay at dinala si Jung sa East Avenue Medical Center.

Pagdating dun ideneklara ng mga doktor na dead-on- arrival na si Jung. Lumabas sa Post Mortem Findings, death by electrocution.

Nagsampa ng kaso si Vilma ng ‘negligence resulting to homicide’ sa mag-asawang Jesus at Elena sa Prosecutor’s Office ng Quezon City base sa mga salaysay ng testigo si Mylene at ng kanyang manugang na si Lilibeth Velez na nagsabing mayroon siyang ‘personal knowledge’ na may kuryente na nga sa bakod ng mag-asawang Toca at personal niya din nakita ang mga koneksyon ng mga ito.

Sa isang kontra-salaysay ng mag-asawang Toca sinabi nilang;  “It is a common knowledge in our barangay that the victim is a thief and for the record of barangay blotters for the crimes of snatching and drugs were recorded against the victim.

It is possible though to happen the victim while attempting as alleged by neighbors to get inside our house purposely to steal was stricken by lightning, as a consequence, he was electrocuted,” paliwanag ni Jesus.

Wow! Tinamaan daw ng kidlat itong si Jung? Ngayon lang ako nakarinig ng ganyang klaseng depensa sa tagal-tagal kong nasa ‘crime beat’. Bago yan ah! Ngayon lang ako nakarinig ng ganyan. Ang kaso ay nai-raffle at ang naatasan magsagawa ng preliminary investigation ay si Prosecutor Fabinda de Los Santos. Tumagal din ng anim na buwan ang preliminary investi­gation sa tanggapan ni Prosecutor de Los Santos.

Upang mapabilis ang paglabas ng resolusyon ni Prosec de Los Santos nakipag-ugnayan kami sa tanggapan ni City Prosecutor Claro Arellano ng Quezon City.

Nais namin linawin na hindi namin layong impluwensiyahan ang resulta ng preliminary investigation kundi upang mailabas agad ang sobrang tagal na nabinbin na kaso sa tanggapan nitong si Prosec de Los Santos para naman makagawa ng legal hakbang ang ina ng biktima kung sakali mang hindi siya ‘satisfied’ sa finding ng taga-usig.

Nung Oktubre 27, 2009 sa wakas lumabas na din ang matagal na niyang inaantabayanang resolusyon. Nakasaad dito sa resolusyon ni Prosecutor de Los Reyes na binigyan niya ng mabigat na pansin ang testimonya ni Myleen kung saan detalyadong niyang nilahad na narinig niya at nakita niya si Jun na parang kinukuryente.

Ganun din ang testimonya ni Lilibeth na sinabing alam niya ang kuryenteng nakakabit sa mag-asawang Toca. Dinagdag pa ni prosecutor ang tatlong testigong sina Marivic Cantem­prate, Wendre Refugio at John Mark Bantillo, ang kanilang karanasan ng sila’y madikit at mokoryente.

Sa pagtatapos ng resolusyon ni de Los Santos nakita ng isang testigo na tinatanggal ni Jesus ang kable ng kuyente sa kanilang bakod matapos makuryente itong si Jung.

Dahil sa lahat ng mga ito nakitaan ng ‘probable cause’ para ang reklamong ito ay maisampa sa korte. Sa ngayon ang reklamo sa mag-asawang Toca ay didinigin sa Branch 31 ng Regional Trial Court (RTC) Quezon City.

Sa puntong ito nais namin pasalamatan si City Prosec Claro Arellano sa kanyang aksyon tungkol sa kasong ito. Ganun na rin si Prosec. Fabinda de Los Santos sa kanyang patas at masusing pag-eevaluate ng mga argumento ng magkabilang panig. Napabalita na sinabi umano nitong pamilya Toca na kahit na magkaubusan ng pera hindi sila uurong. Sige! Ubusin mo lahat ng pera mo sa isang mahaba at magastos na paglilitis.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 maari din kayong tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tanngapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

 

Email: [email protected]

JUNG

KANYANG

LOS SANTOS

LSQUO

QUEZON CITY

TOCA

VILMA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with