EDITORYAL - RA 9745: Latigo sa mga berdugong torturer
MAY mga alagad ng batas na mahilig “mag-short cut” para mapadali ang paglutas nila kuno sa kaso. Kabilang sa “short cut” ay ang pag-torture sa suspek para aminin ang krimeng ginawa. May mga nilagdaang testimonya na sila talaga ang gumawa ng krimen. At ang mga salaysay na iyon ang pinagbasehan ng hukom para hatulan ang umamin. Lutas ang kaso. Tapos na ang imbestigasyon. Walang kahirap-hirap. Pero makaraang madala sa bilangguan, saka naman ipagtatapat ng nahatulan na sila ay tinorture para lamang aminin ang kasalanan na hindi naman nila talaga ginawa. Isinailalim sila sa matinding pagpapahirap na kahit ang pagpatay kay Rizal o Ninoy ay kanilang aaminin.
Pambihira ang ganito pero totoo. Maraming walang kasalanan na napilitang aminin ang kasalanang hindi naman ginawa dahil sa pag-torture. Hindi na nila makayanan ang ginagawa ng mga pulis na nagpapahirap kaya inamin na lamang ang kasalanan kahit hindi niya ginawa. Kadalasang ang pagtorture na ginagawa ay sa pamamagitan ng pagkuryente sa ari, paglulubog ng ulo sa isang dram na puno ng tubig o inidoro, pagsasaklob ng plastic bag sa ulo, pagtutok ng baril sa ulo habang kinakalabit ang gatilyo at marami pang uri ng torture. Yung iba kusang hindi binibigyan ng pagkain ang suspek at kung babae ang pinaghihinalaan, gagahasain ito. Ganyan kalupit ang mga taong pilit na pinaaamin ang mga taong isinasangkot sa krimen. Para maging mapadali ang paglutas sa kaso, kung anu-anong pahirap ang gagawin at para na rin mabigyan ng kasiyahan ang mga kaanak ng biktima. Para ba masabing sila ay kumikilos para malutas ang kaso.
Pero sa pagkakalagda ni President Arroyo ng Republic Act 9745 o ang Anti-Torture Act of 2009 noong nakaraang linggo, matatapos na ang kasamaang ginagawa ng mga torturer. Ang RA 9745 ang lalatigo sa mga nagpapahirap para lamang aminin ang kasalanan. Ayon sa batas, habambuhay na pagkabilanggo ang hatol sa isang napatunayang nag-torture. Sa pagkakalagda ng batas, inaasahang matatakot na ang mga “berdugo” na gumawa ng “short cut” para lamang mapadali ang kanilang pag-iimbestiga. Kung tutuusin, dapat ay kamatayan ang hatol sa mga “torturer” sapagkat walang kasingsama ang kanilang ginagawa sa kapwa. Kulang ang habambuhay na parusa para sa kanila.
- Latest
- Trending