MUKHANG hindi iniintindi nina Parañaque City Mayor Florencio Bernabe at police chief Sr. Supt. Alfredo Valdez ang ngitngit ni Interior Sec. Ronaldo Puno dahil tuloy pa rin ang jueteng sa naturang siyudad. Ang jueteng sa Southern Police District (SPD) ay iniutos ni Puno na ipasara para palitan ang bangka bilang political accommodation. Subalit kung nagsara na ang jueteng sa Muntinlupa City, Makati City, Pasay City, Taguig City, Las Pinas City at Pateros, sa Paranaque City ay tuloy ang bola. Di ba boss Atong Sir? Kaya’t ‘wag na kayong magtaka mga suki kung tatamaan ng kidlat sina Bernabe at Valdez dahil alam n’yo na ang dahilan. Kung sabagay, malapit na kasi ang May election kaya’t nag-iipon na ng pondo si Bernabe dahil mahigpit ang makakalaban niyang si Rep. Ed Zialcita.
Matapos kasing iutos ni Puno na ipasara ang jueteng sa SPD, kinausap ni Valdez ang kabo na si alyas Edgar para ituloy ang jueteng sa siyudad. Siyempre, hindi pumayag si Edgar dahil tumakbo ang bagong bangka sa Muntinlupa City at hindi nila arok ang kakayahan ng mga ito. May nanalo kasi sa Muntinlupa at hindi nagbayad ang bangka. Subalit sa tulong ni Atong, itinuloy ang jueteng sa Parañaque City. Kung sabagay, ipinangako naman ni Bernabe ke Atong na kapag nanalo siya sa darating na election, ang lahat ng illegal sa siyudad niya ay mapupunta ke Atong. Kaya pala!
Pero dapat mag-ingat sina Bernabe at Valdez. Noong nakaraang Biyernes, ni-raid ng RPIOU ng NCRPO ang jueteng sa Taguig City at 34 katao ang naaresto. Ayon sa nakalap kong impormasyon, lumutang ang managament na sina Sgt. Laurel Pilip at alyas Tunying subalit hindi sila pinagbigyan ni NCRPO chief Dir. Roberto Rosales. Imbes, kinasuhan ang 34 katao na hanggang sa ngayon ay nakakulong pa at hindi inintindi ng bagong bangka. Nangangahulugan lang na wala palang tibay itong bangka na gusto ni Sec. Puno, di ba mga suki? Mapapahamak lang ang mga mananaya!
Sino ang bagong bangka sa jueteng sa SPD? Ganito ang kuwento ng aking mga espiya. Si Bonito Singson, kapatid ni dating Ilocos Sur Gov, Chavit Singson ay kinausap ang SPD para sila na ang papalit ke alyas Elmer. Kasama ni Bonito sa pakikipag-usap ang kapatid ng mataas na opisyal ng PNP. Siyempre, nakadikit kina Bonito at kapatid ng PNP official si Ely Fontanilla, ang kolektor ng PNP official sa jueteng. At tumiklop nga ang tropa ni Elmer dahil bagyo ang makakalaban nila, di ba alyas Brian, ang undersecretary for jueteng affairs ni Puno?
Subalit kung gagawing basehan ang pagtakbo ng bangka sa Muntinlupa City at pag-iwas sa gastusin sa Taguig City, mukhang walang tibay ang grupo ni Bonito, kapatid ng PNP official at Fontanilla. Takbuhin pala sila! At sino ang kawawa sa sitwasyon na ito? Malapit na ang Pasko kaya’t kung maghihikahos ang mga mahihirap sa kalye dahil sa kaguluhan sa jueteng sa SPD, ang dapat sisihin ay ang mga ambisyosong PNP official at opisyales ng gobyerno tulad nina Puno at Brian. Abangan!