Pasyang NBN-ZTE election issue na
HINDI nagulat ang madla sa Senate Blue-Ribbon Committee tungkol sa NBN-ZTE deal. Alam na ng taumbayan na sangkot ang First Couple sa $200-milyong overprice sa $329-milyong kontrata. Kaya nang irekomenda ng komite na i-impeach si Gloria Arroyo at ihabla si Mike Arroyo, lumang istorya na sa publiko. Ang nanatili na lang sa isip ng mamamayan ay kung kelan maihaharap sa hustisya ang First Couple at mga kasapakat nila sa pangungulimbat.
Sabik ang publiko sa hustisya sa NBN-ZTE scam, Kaya, dahil mailap ang hustisya sa kasalukuyang admit, magiging election issue ang Senate report. Nanaisin ngayon malaman ng botante mula sa mga kandidatong Presidente, VP, senador o kongresista kung ano ang tingin nila sa nilalaman nito. Tatanungin sila: Kung manalo ka, gagamitin mo ba ang kapangyarihan mo para makamit ang hustisya sa karumal-dumal na krimeng ito? Lakas-loob mo bang ipakukulong lahat ng magkakakutsaba na ngayo’y pinalulusot ng Malacañang? Iaabsuwelto mo ba ang whistleblowers dahil sa kanilang sakripisyo ng kini-kita at seguridad, at para mahikayat ang marami pang magsusuplong ng kasamaan?
Sa sagot ng kandidato mababatid ng mamamayan ang tunay na pagkatao niya. Sinomang aatras sa aksiyong legal ay mabibisto na walang pinagkaiba sa Arroyo and cronies. Traditional politico o trapo din siya na may balak magpayaman sa puwesto. Sinomang magsasampa ng kaso sa korte ay hihiranging repormista. Paglilinis at pagpapatatag ng sistema ang hangad niya.
Bumubula umano ang bibig ni Presidente Arroyo dahil sa Senate report. Kesyo mga tsismis lang na ikinabit sa iilang katotohanan ang ulat tungkol sa NBN-ZTE. At kesyo wala raw ebidensiya ng katiwalian. Pero hindi pa rin masagot ni Presidente Arroyo kung bakit iniwan niya ang naghihingalong Mike sa ospital para lang mag-witness sa signing ng ZTE deal. At alam niya mula kay Romy Neri na may kickback sa presyo.
- Latest
- Trending