MUKHANG nagpa-fund raising na para sa nalalapit na elections si Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro dahil siya ang itinuturong management ng jueteng sa siyudad niya ngayon. Siyempre, kapag isinabit si San Pedro sa jueteng, aba hindi puwedeng maabsuwelto ang kaibigan kong si Sr. Supt. Elmer Jamias, ang hepe ng lokal ng pulisya, di ba mga suki? Kaya kung masaya sa ngayon si Mayor San Pedro, ‘yan ay dahil hindi na niya poproblemahin ang panggastos niya sa darating na May elections dahil sa kita niya sa jueteng. At si Col. Jamias? Sigurado akong me laman na rin ang bulsa niya sa jueteng. Ano sa tingin mo Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Jaime Calungsud Sir? Kung sabagay, hindi naman tatakbo ang jueteng sa isang lugar kung hindi maging magkakutsaba ang pulis at mga pulitiko. ‘Yan ang masaklap na katotohanan na hindi maamin ng gobyerno ni President Arroyo.
Itong jueteng pala sa area ni Calungsud ay nagsara noong nakaraang Biyernes dahil sa kautusan ni alyas Brian Y, na umano”y isang mataas na opisyal ng DILG. Baka undersecretary of jueteng si alyas Brian Y, na ayon sa balitang nakalap ko sa kasamahan sa trabaho ay libo kung mamili ng damit ang asawa? Aba, kung ang pagkukunan ba naman ng gastusin ay sa jueteng, eh di kaya nila ‘yan, di ba mga suki? Ipinatawag pala ni Brian Y si alyas Elmer, ang dating bangka ng jueteng sa SPD, at sinabihan siya na itigil na ang negosyo niya. Siyempre, sumunod si Elmer dahil “bagyo” ang babanggain niya. Kaya’t noong Biyernes nga ay nagsara ang jueteng ni Elmer. Marami ang nalungkot, lalo na ang mga mahihirap o laman ng kalye, bunga sa wala na silang pagkakitaan. Ang sakop pala ng SPD mga suki ay ang mga siyudad ng Muntinlupa City, Taguig City, Makati City, Parañaque City, Las Piñas City at ang bayan ng Pateros. Hindi naman nakapalag si Calungsud dahil mukhang napangakuan siya na papalitan niya si Chief Supt. Romeo Gatan, ang hepe ng PRO1 sa Ilocos Sur kapag nagretiro na ito sa Enero. Ano sa tingin n’yo mga suki?
Ang pangalan ni Ronald Singson, ang anak ng controversial na dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, ang unang lumutang na magiging bangka ng jueteng sa SPD. Pero sa kalaunan, nababanggit na ang pangalan ni retired Col. Quimio. Ito bang si Quimio ang dating provincial director at bagman ni Batangas Gov. Vilma Santos? At ang kapit ni Quimio sa mga matataas na opisyales ng PNP sa Camp Crame ay si Ely Fontanilla. Mmmmm! Mukhang pamilyar si Fontanilla ah? Baka masira ang pangalan ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa kapag palaging nakalutang ang pangalan ni Fontanilla at sa jueteng pa.
Ang unang nagbukas at nagbola sa jueteng ni Quimio ay ang Muntinlupa City at sumunod naman ang Taguig City. Isang Major Obong ang management sa Taguig. Teka nga pala. Baka ang jueteng sa SPD ay patibong lang ng mga kalaban ni NCRPO chief Dir. Roberto “Boysie” Rosales?
Abangan!