NAGTATAKA pa raw ang mga propagandista ng Arroyo admin kung bakit natatakot at kumokontra ang oposisyon sa 5-percent tax sa election contributions. Kesyo naman daw bahagi ito ng Internal Revenue Code na ipinasa noon pang 1997 sa termino ni President Ramos, kaya hindi raw maari sabihin ng oposisyon na panggigipit ito sa kanila.
Huwag na sana magmaang-maangan ang Malacañang kung bakit gan’un ang pakiramdam ng oposisyon. Malinaw naman sa mga kilos ng admin na hindi ito bukas sa pagpapaliwanag — kaya hindi pinagtitiwalaan ng oposisyon, o ng madla.
Suriin muna kung paano ipapatupad ang election contributions tax: Una, ang maniningil ay ang BIR, isang sangay ng Department of Finance, kung saan ang hepe ay direktang appointee ng Presidente. Katatalaga pa nga lang ng bagong hepe ng BIR. Direktang nagre-report ito kay Gloria Arroyo. Pero hindi ito napapa-panagot ng oposisyon sa pamamagitan ng pagsipot sa Senado o Kamara. Kasi maari itong pagbawalan ng Presidente, sa ilalim ng mapaniil na Executive Order 464, na dumalo sa invitation o subpoena ng Kongreso. At kung sakaling dumalo man ang BIR chief, maari itong magtahimik sa pamamagitan ng paghirit ng “executive privilege.” Sa madaling salita, nananagot lang siya sa appointing officer, at hindi sa iba pang halal na opisyal ng pamahalaan.
Ikalawa, kesyo may implementing rules na raw ang election tax. Pero ang nakapagtataka ay ngayon pa lang ipapataw, sa kauna-unahang beses kung kelan matindi ang presidential campaign. Nakasalalay sa halalang Mayo 2010 ang kinabukasan ni Arroyo.
Maaring manalo ang kandidatong oposisyon na maghahabla sa kanya ng plunder at mass murder. Kaya maari rin naman gamitin ni Arroyo ang BIR para ipitin ang kalaban sa pagsingil ng election tax.
Ikatlo, kelangan daw ng gobyerno ng pera para magserbisyo. Kung gan’un, tigilan na ng admin ang pangungulimbat, para may panggastos.