EDITORYAL - Lapit na ang Xmas, kaya krimen tataas
A PATNAPU’T ANIM na araw na lamang at Pasko na. Amoy bonus na nga. Ibinibigay na ang mga bonus sa mga empleado ng gobyerno. Sa Makati ay noon pang isang linggo ipinamahagi ang bonus at mga benepisyo. Ang iba pang mga tanggapan ay ngayon daw linggong ito ibibigay ang mga bonus. Inagahan daw ang bonus dahil na rin sa nangyaring kalamidad na hatid ng mga bagyo.
Bukod sa Pasko, palapit na rin nang palapit ang 2010 elections. Nagsisimula nang bumaha ang perang pinakakawalan ng mga kandidato. Magandang panahon nga naman ito para maipakilala nang husto ng mga kandidato ang kanilang sarili at matandaan ng mga botante. Pitong buwan na lamang at eleksiyon na.
Pero kung nagsasaya ang mga empleado at ganundin ang mga kandidato, mas lalong nagsasaya ang mga masasamang-loob sapagkat marami silang madadagit. Ngayon ang panahon na hinihintay ng mga masasamang-loob para makakulimbat. Tiyak na tataas ang krimen ngayong papalapit na ang kapaskuhan at eleksiyon. Ngayong panahon nararapat na paigtingin ng Philippine National Police ang pagbabantay para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan. Sa hirap ng buhay sa kasalukuyan, tataas ang bilang ng krimen. Wala nang katatakutan ang mga masasamang-loob at kahit na araw o sa katindihan ng sikat ng araw ay sasalakay ang mga masasa- mang loob. Kahit na nga sa loob ng mall ay hindi ligtas ang mga shopper sapagkat papasukin ng mga masasamang loob. Patay na kung patay na!
Kahit na napatay na ang lider at ilang miyembro ng Alvin Flores robbery gang, hindi naman dapat magpabandying-bandying ang mga pulis sapagkat maaaring may sumulpot pang ibang grupo at baka mas matindi pa. May mga nakatakas na miyembro ang Alvin Flores gang at malaki ang posibilidad na magtayo uli ng bagong grupo.
Nabuking na ang estilo ng Alvin Flores gang kaya maaaring iba naman ang gagawin ng ibang grupo. Police visibility ang nararapat na ipairal ng PNP. Kung makikita ang naka-deploy na pulis sa mga mataong lugar, tiyak na magdadalawang-isip ang mga kriminal.
- Latest
- Trending