KASUSULAT ko pa lang nu’ng Biyernes tungkol sa “private armies” sa Metro Manila, heto’t may umaapaw na complaints pala sa Mandaluyong. Binubusabos umano ng mga maton ng Sto. Niño Towing Co. ang mga motorista sa naturang matrapik na siyudad. Pinupuntirya nila hindi lang ang mga naka-illegal parking sa bawal na lugar, kundi pati sasakyang may driver at passenger sa loob. Mapahinto ka lang sandali ng kotse sa tabing-bangketa para magbaba ng pasahero, dumadagit agad na parang buwitre ang towing crew ng Sto. Niño. Ikinakadena ang sasakyan at kinakaladkad patungong Fabella Street sa gilid ng Boni Avenue. At doon hiningan ang motorista ng “ransom” na P2,000 para matubos ang sasakyan. Hindi na mabilang ang mga nabiktima.
Ilan sa mga huling biktima ay isang babae, kasama ang ate niya at batang pamangkin, nu’ng nakaraang linggo. Pinahinto ng nagmamadaling babae sa tsuper ang kotse sa tapat ng bahay ng nanay sa Boni Avenue, para iabot lang ang kaldero ng pagkain. Ang bilis na mga pangyayari. Biglang pinababa ng taga-Sto. Niño na Jessie Hernandez ang tsuper. Saka ito sumakay sa kotse at minaneho ito nang walang abi-abiso man lang kung saan patungo. Tinanong siya ng naiwang mag-ina sa kotse kung saan sila dadalhin, pero hindi sila sinasagot ng maton. Kaya akala ng mga babae ay holdap o kidnap ang gagawin sa kanila; nag-frantic tuloy ang ate at nag-iiyak ang batang anak. Namalayan na lang nila na sa yarda pala sila ng Sto. Niño dinala, kinandaduhan ng gate, at biglang hiningan ni Arturo Catindog at alalay na Allan Bucaso ng P2,000. Habang nagra-ransom sila, sunod-sunod pang may ipinapasok na mga sasakyan, karamihan ay si Hernandez din ang nag-tow o nagmaneho. Sa isang sasakyan na na-tow ay may buntis na nagsisisigaw at sinasaktan ng tiyan, dahil hindi siya pinayagan bumaba ng sasakyan bago ito hilahin.
Nang-abuso na dati ang towing companies sa Quezon at Makati ci-ties, kaya sila napalayas. Ngayon sa Mandaluyong sila naghahari-harian.