The Last Gentleman
HABANG nag-uunahan ang mga mababait na tao sa pagtulong sa mga nasalanta ng baha sa Metro Manila at sa Northern Luzon, wala naman akong nabasa o narinig kung may ginawang tulong si First Gentleman Mike Arroyo o wala. Kung may ginawa man siya narinig ko man o hindi, mukhang huli na ang kanyang pagkilos kaya maaari ko siyang tawagin na “Last Gentleman”.
Batay sa mga naririnig ko na madalas madawit ang kanyang pangalan sa mga scam at anomalya, mukhang mabilis lang siya sa pangangalap ng pera at hindi sa paghanap ng paraan upang makatulong sa mga kawawa at mahihirap na biktima. Sayang naman, dahil kung ginamit lang sana niya ang kanyang influence, mas marami pa ang natulungan.
Si Mrs. Gloria Arroyo naman, abala sa pagpapakita sa mga tao na busy din siya sa pagtulong, marahil upang mawala sa katotohanan ng isyu na lubhang napakalaki ang kakulangan ang paghahanda ng kanyang gobyerno sa pagdating ng sakuna. Malinaw na kung hindi sana abala sa pangungurakot ang mga corrupt na tao, nabigyan sana ng pansin ang kahandaan.
Halos tapos na ang relief operations, at ang tungkulin naman ng gobyerno ngayon ay rehabilitation. Sa ngayon pa lang napansin na natin na busy na sa pagkampanya si Mrs. Arroyo dahil tatakbo diumano siya sa Pampanga. Ano kaya ang kanyang gagawin upang ilagay sa tama ang trabaho niya sa rehabilitation?
Marami ang nagsasabi na matindi man daw ang tama ng mga bagyong Ondoy at Pepeng, mas matindi raw ang pinsala na dinala ng bagyong Gloria at Mike. Kung sana sila ay naging halimbawa sa pagtalikod sa corruption, marahil sumunod din ang mga local officials sa kanila, at sa halip na pangungurakot ang pinagkaabalahan nila, nabigyan sana nila ng pansin ang kapakanan ng mga mamamayan.
- Latest
- Trending