NAGMISTULANG paraiso ang mga lansangan ng Metro Manila nitong nakaraang holiday weekend. Marami pa rin ang nagbakasyon o bumisita sa kanilang patay sa probinsiya. Dahil sa banta ng bagyo, kakaunti ang nakipagsapalarang lumabas ng bahay. Ang resulta — walang trapik!
Sanay na ang mga motorista at namamasahe na sumasabak sa trapik na mabulok ng matagal sa loob ng sasakyan. Sa kultura nating mga Pinoy, tanggap na ito bilang bahagi ng ating pang-araw-araw na realidad. Gigising na lang ng mas maaga, dadagdagan ang pasensiya, titiisin ang usok.
Sinukat ng World Bank (WB) ang halaga ng nasasayang na oras ng empleyado at sa nagkakasakit sa po-lusyon. Umabot ang estimate sa halos P95 billion kada taon o halos P277 million kada araw!
Sa ginawang pagsuri, ang sinisisi sa traffic congestion ng EDSA ay ang masamang pagplano ng mga kalye’t lansangan; ang pagdami ng mga sasakyan lalo na ng mga bus; at ang hindi maayos na pagpatupad ng mga traffic rules and regulations.
Ang EDSA ay ang kaisa-isang highway na tumutuhog sa kabuuan ng Metro Manila. Napakalaking tulong sa ating ekonomiya kung maiayos ang mga problema nito nang mabawasan ang mga higanteng gastusing nalalagas gaya ng tinukoy ng WB. Ang pagpapabilis din ng daloy ng traffic ay magsisilbing mitsa upang mapagaang ang dalahin ng industriya at mga propesyon.
Ang isa pang side-effect nito ay ang mabawasan ang init ng ulo ng mga motoristang panay ang putok ng galit. Kung mapatunayan ang paratang ni TV personality Cheryl Cosim na mayroon ngang na nutok sa kanila ng baril dahil lang sa pakikipaggitgitan ng sasakyan, pinakahuli lang ito sa humahabang listahan ng alitan ng motorista. Ang Pinoy driver, gusto lang laging nakakaisa. At kulang sa disiplina. Pero noon ay hindi ito basagulero. Ewan ko lang at parang unti-unti nang nagbabago ang ugaling ito. Ang naiisip ko lang na sanhi ay ang arawang pagkulo nito sa traffic.
Kung nakatutok ngayon ang atensyon ng pamahalaan sa mga solusyon sa kalamidad, huwag sanang limutin ang problema ng traffic.
Hindi lang natin napapansin subalit maaring ang pagsabog nitong “social volcano” ang siya pang magdulot ng mas malaking disgrasya sa lahat.