'Private armies' sa Metro Manila
MAGKAALAMAN na nga, hiling ng maraming mambabasa. Sinu-sino ba itong mga naglipanang unipormado at de-baril sa lansangan ng Metro Manila? Mga otorisado ba sila o private armies lang ng local politicos?
Simulan natin sa Pasig at mga katulad na siyudad. Nag-empleyo sila ng traffic enforcers na naka-royal blue shirts, black pants at white caps. Hindi sila armado. Pero maari ba sila manghuli ng traffic violators tulad ng MMDA enforcers?
Gumawi tayo sa Ortigas Center, sa karatig na Mandaluyong. May mga naka-jacket na tatak “Ortigas security” o “Barangay San Antonio”. Bakit sila de-baril kapag nagpapatrulya o nagmomotorsiklo, gayong private security guards sila? At lalong bakit sila naninita ng drivers ng mga nakaparadang sasakyan? Tila namumuntirya ng mga sasakyang mapapa-tow para kumumisyon.
Iba-iba ang kulay ng uniporme ng enforcers at security sa bawat siyudad sa Kalakhang Maynila. Nakakalito tuloy, at hindi mo na malaman kung totoong hinuhuli o hinoholdap ka. Sa Makati may mga naka-brown at naka-yellow. Sa Las Piñas o Bacoor naman ay red. Sa iba ay light blue. Bukod pa ang sa MMDA, LTO at PNP. Bakit hindi na lang pagpare-parehohin ang uniporme nilang lahat, para walang gulo. At dapat ay malalaki ang name cloths at patches para madaling makilala.
At bakit ba sa PNP mismo ay iba-iba pa ang uniporme ng units? May sariling kulo ang Bomb Squad, na ginaya ng mga armadong magnanakaw sa Greenbelt-5, Makati. Bukod naman ang sa Special Action Force at SWAT at Traffic Management Group.
Pinayo ng isang PNP general sa TV talk show kamakailan na kilalanin ang pulis kapag naka-patrol car. Ibig sabihin ba nu’n ay huwag sila pansinin kapag naglalakad o nakasariling motorsiklo?
* * *
Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending