KAAWA-AWA naman pala ang mga miyembro ng Parañaque City Police. Mantakin n’yo mga suki, walong bu-wan na pala ang utang ni Bernabe sa kanyang mga pulis. Tila nagka-amnesia si Bernabe mula nang mangibang bansa kaya hanggang ngayon ay nakatingala sa kisame ang mga pulis sa Parañaque City.
Iyan ang himutok ng aking mga nakausap diyan sa Parañaque City Police mula nang banatan ko si Supt. Alfredo Valdez matapos holdapin ay pagbabarilin ng apat na kalalakihan ang pamilyang Chua sa Roxas Blvd. kanto ng Airport Road, Baclaran, noong Linggo ng umaga. Naalarma ang aking mga kausap dahil sa tingin nila ang dapat sisihin ay ang hepe nilang si Valdez. Tagasunod lamang sila umano sa mando ng kanilang superior kaya huwag naman silang husgahan na nagpapabaya sila sa kanilang tungkulin. Ayon sa aking mga kausap, naka-deployed umano ang halos lahat ng pulis sa mga sementeryo nang maganap ang pananambang. Takot daw si Valdez na makidnapan ng milyonaryo sa dalawang pribadong libingan. Subalit nang puntahan ko ang lugar ng pinagtambangan sa pamilya Chua ay nanlaki ang aking mga mata, dahil ilang metro lamang ang layo ng Police Community Precincts (PCP-1). Mukhang tutulog-tulog ang commander ng PCP-1 sa loob ng aircondition niyang opisina kaya hindi niya narinig ang sunod-sunod na putok ng mga holdaper. Iyan ang pakay ko sa pag-urirat sa command of responsibility ni Valdez na dapat niyang sagutin. Paano na lang ang magiging kapalaran ng mga residente sa Parañaque kung patuloy na magpabaya si Valdez sa kanyang tungkulin? Dapat kumilos si NCRPO director Roberto “Boysie” Rosales laban kay Valdez para hindi na muling mangyari ang ganitong insidente.
Masibak kaya si Valdez dahil sa insidente? Hindi po. Ayon sa mga nakausap ko, superlakas si Valdez kay Bernabe at Mike Velarde ng El Shadai. Tikom umano ang bibig ni Valdez sa pag-ungkat ng monthly incentive allowance ng kanyang mga pulis kay Bernabe. Takot din umanong dumiga si Valdez ng karagdagang gasoline allowance kay Bernabe kaya pilit na pinagkakasya na lamang ng mga nagpapatrulyang pulis ang kanilang 15 liters gasoline weekly allocation bawat mobile car. Saan ma kakarating ang 15 liters na gasoline? Paano makaha habol sa mga kriminal kung tipid sa gasolina. Hindi lamang pala mobile car ang sisinghap-singhap kundi pati mga pulis ay nagugutom din dahil hindi maibigay ang walong buwang incentive allowances.
Mayor Bernabe, ibigay mo na ang ipinangakong incentive allowance sa mga pulis at nang maibayad sa kanilang pinagkauutangan.
Kung nagawa mong ibigay ang allowance ng iyong mga alipores sa City Hall, dapat ibigay mo ang para sa mga pulis.