EDITORYAL - Unahin muna ang laban vs kahirapan
MARAMING bumabatikos sa mga kongresistang nagsiliparan na papuntang Las Vegas para mapanood ang laban ni boxing champ Manny Pacquiao at Puerto Rican Miguel Cotto sa November 15. Unang-una nang nakaalis si House Speaker Prospero Nograles. Sabi niya, malaking suporta ang maibibigay ng kanyang presensiya sa Pinoy idol at bukod doon kabilang siya sa Team Pacquiao. Bukod kay Nograles, 19 na kongresista pa ang manonood ng laban. Ang nakakatuwa o nakatatawa ay magbubukas ang session ng Kongreso sa Lunes. Maraming mahalagang batas na tatalakayin at ipapasa at kailangan ang quorum. Pero walang magagawa dahil bago pa mag-undas, lumipad na ang mga magigiting na kongresista.
Nalalaman ng mga kongresista na uusok ang batikos dahil sa kanilang pag-alis para manood ng laban at nakahanda na ang kanilang mga sagot. Ayon sa kanila, hindi naman daw galing sa kaban ng bansa ang kanilang gagastusin. Sarili raw nilang pera mula sa bulsa ang dinukot para maipamasahe at mabaon habang nasa Las Vegas. Kahit daw singko ay walang nanggaling sa perang buwis ng taumbayan. Dollar ang gagastusin ng 20 kongresista habang nasa Las Vegas. Sa hotel siyempre sila titira at masarap ang kakainin. Puwede bang kumain nang basta-basta lang sa hotel? Siguradong malaki ang kanilang gagastusin kagaya rin ng ginastos nina President Arroyo at mga Cabinet official nang dumalaw kay President Obama. Milyong piso ang ginastos sa restaurant nang kumain sina Mrs. Arroyo noon. Sabi, dalawang kongresis-tang malapit sa kanya ang nagbayad ng kinain sa Los Angeles restaurant at sa Washington DC.
Hindi maiaalis na umusok ang batikos sa tuwing may mga government official na magtutungo sa ibang bansa. Masyadong sensitibo na ang marami sa ganito. Lalo pa nga ngayon na sunud-sunod ang kalamidad na tumama sa bansa. Maraming namatayan, nawalan ng bahay, nasira ang pananim, nawasak ang mga ari-arian at iba pang masasaklap na nangyari. Habang nanonood ang mga kongresista sa laban sa Las Vegas, nakikipaglaban naman sa kahirapan at gutom ang mga kawawang kababayan na naghalal sa kanila. Habang pumapangal sila nang masarap na steak, nagdidildil sa asin ang mga bumoto sa kanila. Sa 2010 elections, ang mga ito rin ang kanilang uutuin.
Nasaan naman ang konsensiya ng mga lingkod bayan kuno na ito? Maaari namang suportahan si Pacquiao kahit nasa sariling bansa.
- Latest
- Trending