TAGUMPAY ang Philippine National Police (PNP) na maitala sa kasaysayan ng bansa ang zero crime noong Undas. Mukhang nakuha na ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Versoza ang pormula para maging mapayapa ang paggunita ng Undas sa kapuluan! Dahil noong makaraang taon ay halos kaliwa’t kanan ang insidente ng patayan, nakawan at rambulan sa loob at labas ng sementeryo. At dahil nga sa nalalapit ang eleksyon 2010 naging mahigpit ang pagbabantay ng kapulisan sa mga supporter ng mga trapong pulitiko na kadalasan ng nagsasagupa sa loob ng sementeryo. Subalit sa ngayon mukhang wala akong narinig na sumbong mula sa mga kababayan nating dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Ito ay dahil sa magandang pakikipag-koordinasyon ni Versoza sa mga local government unit at private volunteers group. Kailangang maalalayan ang PNP sapagkat kulang na kulang ang kapulisan, dahil ayon sa aking mga naka-usap sa NCRPO hindi bababa sa 5,000 ka-tao ang binabantayan ng isang pulis sa Metro Manila pa lamang. Kaya kung hindi sila alalayan ng ibang sector ng lipunan tiyak na mabibigo sila na mapangalagaan ang katahimikan ng mamamayan.
Naitala rin ang pinakamababang aksidente sa kalsada at karagatan matapos na pangunahan ng PNP ang pag-inspection sa mga terminal ng bus at pantalan na kadalasang nakalulusot ang mga abusadong drayber at operators sa kanilang dispalinghadong sakayan. Siyempre malaki rin ang partisipasyon dito ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos higpitan ang shipping agencies sa bansa. Bagamat nakalabas na ng bansa ang bagyong Santi ay naging maingat pa rin ang PCG sa pagbigay ng permiso sa mga barko na makapaglayag. Sa pagsama-sama ng Maritime Industry Administration (MARINA), Land Trasportation Office (LTO), at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) walang nangyaring sakuna. Nawa’y maipag-ibayo pa ito ng mga ahensiya ng pamahalaan upang sakuna’y maiwasan at mawala ang mga imbestigasyon at sisihan. Ayon sa PNP may kabuuang 4,825 police assistance ang kanilang ipinakalat sa mga sementeryo,pantalan, bus terminal at maging sa South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX). Kaya kumbinsido ako na sensiro si Versoza sa kanyang puwesto na mapangalagaan ang mamamayan.
Mabuhay ka Gen. Versoza. Subalit dismayado naman ako sa kapabayaan ni Supt. Alfredo Valdez ng Parañaque City Police matapos makaligtaan niyang ipakalat ang kanyang mga pulis sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Hamakin n’yo mga suki, pinagbabaril ng dalawang riding-in-tandem ang mag-asawang Chua habang binabagtas ang kahabaan ng Roxas Blvd kanto ng Airport Road sa may Baclaran noong umaga ng Linggo. Bukod sa pamamaril ay nilimas pa ng dalawa ang dalang salapi at mahalagang kagamitan ng pamilya Chua na hindi man lamang na monitor ni Valdez. Nasaan kaya ang kanyang mga alipores ng mga oras na iyon. Sa kabila ng mga tama ng bala sa likod ni Ruben Chua ay nagawa pa nitong ipaharurot ang kanyang Toyota Lite Ace upang takasan ang dalawang suspek. Subalit kinapos na ito ng lakas dahil sa dami ng dugo na nawala kayat naibangga niya sa isang puno malapit sa Quintos St., Ermita, Manila na kung saan nasaklolohan ng taumbayan.
Gen. Versoza, Maganda na sana ang iyong programa sa Undas subalit sumemplang kay Valdez. Pakihambalos mo nga si Supt. Valdez.