NAPAG-USAPAN namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ang iba’t ibang pakana ng ilang grupo upang harangin ang kandidatura ni Presidente Erap sa 2010.
Hindi pa nga siya naghahain ng certificate of candidacy ay nag-file na agad kamakailan ng disqualification petition laban sa kanya si Atty. Oliver Lozano. Ibinasura naman agad ng Comelec ang petisyon ni Lozano dahil ito ay wala pa sa panahon para pag-usapan.
Naghain na rin si Lozano noong 2005 ng pekeng impeachment complaint laban kay Ginang Arroyo upang isabotahe ang tunay na impeachment case na nakabase sa mga konkretong ebidensya ng talamak na korapsyon at dayaan sa 2004 election.
Ayon sa mga impormasyon, si Lozano ay may reputasyong “ambulance-chasing lawyer,” na ang ibig sabihin ay gumagawa ng kung anu-anong gimik upang makahanap ng mga magbabayad sa kanya.
Halos lahat ng ating mga kababayan ay si Lozano sa kanyang disqualification petition, pero sa likod ng pangyayaring ito ay malinaw nating nakikita ang desperadong pagkilos ng ilang grupo na gawin ang lahat upang hadlangan ang pagbabalik ni Erap sa pamumuno ng ating bansa. Sabi nga ng mga political observer ay patikim pa lang ang ginawa ni Lozano, at tiyak na napakarami pang ibang pakana ang gagawin ng mga grupong ito laban kay Erap.
Mayorya sa taumbayan ay naniniwalang “binayaran” ng Malacañang si Lozano noong 2005 impeachment, at ganito rin umano ang mangyayari sa 2010 election.
Sa mga gustong lumiham kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ipadala ito sa kanyang tanggapan sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City.