KLARUHIN muna natin kung ano ang poder ng MMDA traffic enforcers. Kapag nilabag nila ang anuman sa mga sumusunod, isumbong sa Metro Base Inspectorate — 0920-9389861 o 0920-9389875 — miski habang sinisita pa lang. Kung kinikikilan ka, magpapadala agad sila ng inspectors.
(1) Bawal magkumpol-kumpol ang MMDA traffic enforcers para manghuli. Ni hindi maaring tumayong magkatabi miski dalawa lang, lalo na kung mahigit. Maari lang sila maggrupo kung may special operations, tulad ng paghuli sa mga smoke-belching na bus at jeepney.
(2) Ang swerving ay hindi traffic violation. Hindi swerving ang lumipat mula sa anomang lane patungo sa katabing lane, at hindi ito bawal. Pero dapat sumenyas muna. Kapag matulin kang lumipat nang dalawa o mahigit na lanes, maari kang tiketan. Pero dapat ipaliwanag kung nailagay mo sa panganib ang ibang sasakyan.
(3) Para sa bus lang ang yellow lane. Titiketan ang private vehicles na gagamit nito. Pero tandaan, bawal lumabas ang bus sa yellow lane. Kaya kung tiniketan ka pero hindi ang lumalabag na bus, maari kang umangal na selective apprehension ang ginagawa nila.
(4) Hindi maaaring kumpiskahin ang driver’s license kung sinisita. Kinukuha lang ang lisensiya kapag sangkot ang sasakyan sa banggaan o sagasaan, o kaya’y ikatlong violation na ng driver pero hindi pa siya nagbabayad ng mga naunang multa. Maari lang mag-isyu ng tiket ang traffic enforcers, at maari mo naman itong kuwestiyunin. Depende sa sitwasyon, mabuti pang tanggapin agad ang tiket para makuha ang pangalan ng enforcer.
(5) May karapatan kang magtanong kung merong mission order ang enforcer. Dapat pirmado ito ng supervisor. Kapag sinita ka sa isang violation pero hindi ‘yon ang mission order nila sa araw na ‘yon, i-report sila sa Metro Base para madisiplina.
Gupitin ito at itago sa glove compartment.