EDITORYAL - Saan pa bang lugar ligtas ngayon ang mamamayan?
HINDI na biro ang nangyayaring ito. Maski ang sasakyang nakatigil sa intersection at naghihintay ng pagpapalit ng ilaw ay hindi na rin ligtras sa mga holdaper. Imagine, maski sa araw at sa karamihan ng tao ay may nanghoholdap at ang masaklap, handang pumatay. Mga kalalakihang nakamotorsiklo na may mga dalang matataas na kalibreng baril ang nanghoholdap at modus nila ay pagtigil sa traffic light saka bumabanat.
Nakakatakot na ang nangyayaring ganito. Saan pa bang lugar ligtas ngayon ang mamamayan? Bakit masyadong malalakas ang loob ng mga holdaper at kahit sa kainitan ng araw ay nagagawang mangholdap at pumatay? Ano ang ginagawa ng Philippine National Police at tila napaglalalangan sila ng mga kriminal.
Noong Linggo ng umaga, tatlo katao ang grabeng nasugatan makaraang pagbabarilin sila ng dalawang kalalakihang nakamotorsiklo. Galing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sina Ruben Chua, 44, taga-New Manila, QC, kanyang asawang si Jocelyn, 41, at biyenang si Clarita, 69, sakay sila ng Nissan Vanette. Kasama rin nila sa sasakyan ang dalawang bata. Banayad umanong tumatakbo ang sasakyan sa Roxas Blvd. nang sa pagtigil nila sa isang intersection sa service road ay biglang lapitan sila ng dalawang lalaki at pinagbabaril sila. Iniutos na buksan nila ang pintuan ng sasakyan subalit nagmatigas si Ruben kaya siya binaril. Tinamaan siya sa likod. Binaril naman sa paa ang asawa ni Ruben at ang kanyang biyenan. Hindi naman tinamaan ang dalawang bata, sapagkat kinoberan ni Ruben ng kanyang katawan. Sapilitang binuksan ang pintuan ng sasakyan at kinuha ang mahahalagang gamit at pera. Kahit may tama, nagawa pang i-drive ni Ruben ang sasakyan pero naibangga dahil nawalan na ng malay dahil sa pagtagas ng dugo. Tinulungan sila ng isang security guard para madala sa ospital.
Grabe na ito. Kamakailan lang, nilooban ang Greenbelt 5 sa Makati City. Saan pa bang lugar ligtas ngayon ang mamamayan? Ang Roxas Blvd. ay abalang lugar at dapat lamang na may mga pulis na nakamanman. Nasaan ang mga pulis sa ganitong pagkakataon na ang mamamayan ay nangangailangan ng tulong? Nakakatakot na ang nangyayaring ito na masyadong malakas ang loob ng mga holdaper. Dahil kaya walang nakikitang pulis? Hmmm.
- Latest
- Trending