HINDI lang ngayon araw ng pagbisita sa mga yumaon nang minamahal. Araw din ito ng takutan. Sa mga sementeryo tuwing Undas, nagpapalitan ang mga magka-pamilya ng nakakatakot na kuwento. Kadalasa’y tungkol sa multo, mumu, kaluluwa. Tapos, mababaling sa mga halimaw: Aswang, tikbalang, kapre, manananggal, tiyanak. Kumpleto pa sa sound effects: asong umaatungal, mga yabag ng paa at garalgal ng kinakaladkad na kadena, tik-tik-tik na papalapit, ungol na nagmamaka-awa. Parang Gabi ng Lagim sa DZRH.
Malaking industriya na ang pananakot. Hindi na lang mga kuwento sa sementeryo ang uso. Marami ring horror novels at komiks, movies at maskara, Halloween costumes, computer games, rollercoaster at iba pang panggulat na park rides. Mas nakakatakot, mas mahal ang bayad, mas nagugustuhan ng madla.
Pinag-aaralan nang husto ng psychiatrists ang takot ng tao sa kung ano-ano. Maraming takot sa butiki, daga o ahas; sa malalim na tubig, paglipad sa eroplano o mataas na gusali; sa numero 13, pagsapit ng dilim o pagtunog ng hatinggabi. Kataka-takang may takot din madumihan, sa mataong lugar o sa opposite sex.
Minsan inusisa ko ang mga pamangking bata kung ano ang pinaka-kinatatakutan nilang sitwasyon. Iba-iba ang sagot: Banggaan ng sasakyan, masagasaan, shipwreck, plane crash, malunod, malason, masaksak, makandaduhan sa loob ng kuwarto, maatake sa puso o stroke, kamatayan. May sumagot din ng: Makalbo, ma-pimples at ma-busted ng nililigawan.
Kung ako ang tatanungin, ang pinaka-nakakakilabot na kalagayan ay loneliness. Hindi lang ito basta pakiramdam na nag-iisa ka, kundi tila iniwan ka, kaya wala ka nang mapapala. Halimba wa, tinalikuran ka o namatayan ng kasintahan o asawang pinakaiibig. O kaya’y nag-iisa ka sa malayong lugar at walang contact sa mga minamahal. O kaya’y matanda ka na’t ipinaubaya sa care home kung saan walang pumapansin sa iyo.