EDITORYAL - PNP, di pa dapat magrelaks sa Alvin Flores group
GIGIL na gigil ang Philippine National Police (PNP) sa Alvin Flores robbery group. Masyadong madulas ang grupo at laging nalulusutan ang PNP. Sinisira ng Alvin Flores ang imahe ng PNP sapagkat nagkukunwaring mga pulis ang grupo. Mahigit na umanong 20 establisimento ang nilo-oban ng grupo.
Pero nasagad na ang pasensiya ni PNP kaya katulong ang NBI, tinarbaho na nila ang grupo. Napatay noong Biyernes ang mga miyembro ng Alvin Flores dalawang linggo makaraang pagnakawan ang watch store sa Greenbelt 5, Makati City. Natunton ang grupo sa Cebu City. Makaraang magnakaw sa Makati, sumibat sa Cebu ang grupo at doon nagpapalamig sa isang resort. Pero nasundan sila ng NBI at PNP kaya nagkaroon ng labanan. Apat nga ang napatay at isa pa ang naaresto. Positibong si Alvin Flores ang isa sa mga napatay. Si Flores ang lider ng grupo. Nagsaya ang NBI at PNP sa pagkakapatay sa apat na miyembro. Kahit paano, nabawasan ang gigil ng PNP sa grupo. Wala nang magsusuot ng kanilang PULIS, BOMB SQUAD at SWAT shirts. Modus ng Alvin Flores Group na magsuot ng police uniform at saka sapilitang papasok sa mga establishment. Umano’y mahigit 20 pagnanakaw na ang naisagawa ng grupo.
Pero hindi pa dapat lubos na magsaya ang mga awtoridad, particular ang PNP sa pagkakapatay ng apat na miyembro ng Alvin Flores group. Paano’y may mga nakatakas pang miyembro nito. Hindi lahat ay napulbos.
Umano’y ang kapatid na babae ni Alvin Flores ay nakatakas at ang sabi baka ito na ang mamuno sa grupo. Apat lamang ang napatay at sabi marami pa itong miyembro. Maaaring palalamigin lamang ang pagkakapatay sa apat na miyembro at saka magbubuong muli. At baka mas matindi pa ang pumalit.
Ang magandang gawin ng PNP at NBI ay tugisin ang mga nakatakas pang miyembro ng Alvin Flores group at pulbusin na. Hindi dapat tigilan ang paghabol sa kanila sapagkat maaaring magsaboy muli sila ng karahasan sa hinaharap. Hindi pa dapat magbunyi ang PNP o ang NBI sapagkat meron pang problema na maaaring sumungaw sa hinaharap.
- Latest
- Trending