Paghihigpit ng PNP sa paggunita sa Undas
IPAKAKALAT ni NCRPO Dir. Roberto “Boysie” Rosales sa Undas ang may 17,000 pulis sa mga pribado at pampublikong sementeryo sa limang distrito ng Metro Manila. Ngunit hindi naman daw initsepwera ni Rosales ang paghahanap sa kilabot na Alvin Flores group na tinik na ng kanyang lalamunan. Itong Alvin Flores Robbery Gang ay bumiktima na ng sangkaterbang establisimento sa Metro Manila at ang huli nilang biktima ay ang Rolex Watch store sa Greenbelt Mall 5 sa Makati City. Hindi makatulog si Rosales sa pag-iisip kung paano malalambat ang grupo ni Alvin Flores na sumira sa integridad ng PNP. Kapag nagsagupa ang mga tauhan ni Rosales at Flores, tiyak na umaatikabong putukan.
Pinulong din ni Rosales ang limang district director na kanyang nasasakupan upang paigtingin ang pagmamanman sa mga kriminal na pumaslang kina Delfin Gener at Bong Soriano. Si Gener, alias “Boy Tangkad” ay pinagbabaril nang lumabas sa kinainang Ping Ping Restaurant sa La Loma, Quezon City. Blanko ang kapulisan na kilalanin ang mga salarin subalit lumalabas na ang motibo ng pagpatay kay Boy Tangkad ay away sa jueteng. Samantala si Bong Soriano ay pinatay habang nakahiga sa papag ng kanyang puwesto sa Soler St, Binondo, Manila. Hanggang ngayon, hindi pa nakikilala ang isa sa napatay na suspek. Matunog ang usapan sa Manila Police District na away sa koleksyon sa side walk vendors este agawan sa puwesto sa Divisoria ang dahilan kaya niligpit si Soriano.
Simula sa araw na ito, unti-unti na ninyong mararanasan ang paghihigpit ng PNP kaugnay sa Undas. Itinataboy na ng kapulisan ang mga illegal na naninirahan sa mga sementeryo upang mapalayas ang mga pusakal. Makararanas din ang mga motorista ng abala sa check point sa lahat ng sulok ng Metro Manila. At sa Undas ay mamumutiktik sa pulis ang loob at labas ng sementeryo upang mapangalaan ang mamamayan. At dahil malapit na ang 2010 eleksyon todong paghihigpit ang ipaiiral ng PNP dahil naging tradisyon na sa ating bansa na nagiging battle ground ng magkalabang pulitiko ang mga sementeryo. Subalit ayon sa mga kausap ko, mabibigo si Rosales na maipagbawal ang pagsabit ng posters ng mga pulitiko sa loob ng sementeryo dahil ang pasimuno nito ay mismong mga kandidato.
Mahigpit ding ipagbabawal ang pagdadala ng mga kutsilyo, itak, baril, mahjong set, baraha, sound system at lahat ng uri ng nakalalasing na inumin. Kaya ang payo ko sa inyo, ngayon pa lang ay simulan na ninyong maglinis at magpaganda ng puntod ng inyong mga mahal sa buhay upang hindi na kayo maabala sa Undas. Huwag ninyong balewalain ang paalalang ito dahil pursigido si Rosales na ipakumpiska ang mga bagay na kanyang ipinagbawal. Gen. Rosales, mukhang may nakalimutan ka yata na dapat na bantayan ng mga pulis mo. Ayon sa bulong ng ilan nating kababayan, sa tuwing sasapit umano ang Undas ay sob rang taas ang sinisingil ng parking boys sa mga sasakyang pumaparada. Nagpipista rin ang mga bukas kotse gang sa paglimas ng mga personal na gamit ng mga nakaparadang sasakyan. Magpakalat ka ng mga pulis para manmamanan ang nangungulekta ng tong sa parking boys.
- Latest
- Trending