'Eva na si Adan(?)'

(Huling bahagi)

 “NASAAN ANG ATE MO?”

 Ito ang boses na nagpatigil sa umanoy kababuyan ni June kay Mila.

Nung LUNES naisulat ko kung papaano umano ginahasa ng isang lalaking nagngangalang June Luceda ang dating ‘lesbian’ na si “Mila” kanyang kaibigan ng Muntinlupa City.

Dahan-dahang lumapit si Zaldy na parang nakikiramdam. Lumalakas ang tibok na kanyang puso habang hinahanap ang kanyang asawang si Mila.

Tinanong niya si Mila kay Jaime (nangungupahan sa kanilang bahay), na noo’y kababalik lamang galing sa tindahan bitbit ang ‘red horse’ “pambanlaw” sa nainom na ‘matador’.

Napasulyap si Zaldy sa banyo kung saan sa tingin niya nanggaling ang kaluskos na nakagising sa kanya.

“Kuya di ko po alam... Baka po nasa labas,” sagot ni Jaime.

Nang sabihin nitong nasa labas ang asawa ay tiningnan niya ang pintuan ng banyo. Narinig niya ang boses ni June at sinabing, “pabalik na yun, lumabas lang sandali. Gusto mo ba sunduin ko?”. 

“Huwag na!” sagot ni Zaldy sabay panik sa taas upang bumalik sa pagtulog.

Mabilis na lumabas si June sa banyo kasunod si Mila na noo’y walang tigil sa pag-iyak. Di na niya nagawa pang magsumbong sa kanyang asawa para makaiwas sa gulo.

“Malaking tao si June, matangkad, malaki ang katawan, maku­kumpara ko siya kay Steven Seagul.” paliwanag ni Mila.

Mabilis na niligpit ni Mila ang mga bote ng alak. Nakita nalang niya si June pabalik. Tinabig ang mga bote sa mesa, hinila siya paupo at pinaibabawan.

 “Pinaghahalikan niya ang leeg ko, nilamas niya ang dibdib ko na parang kulang pa ang kababuyang ginawa niya sa banyo! Pinabayaan ko lang siya dahil ayoko ng gulo. Iniisip ko ang asawa ko baka mapahamak siya” mariing sabi ni Mila.

Mula sa taas napansin ni Zaldy na namatay ang ilaw sa silong. Sumilip siya sa mga puwang sa swelo nilang kawayan at kahit madilim nasilayan niya na may mga aninong gumalaw sa ilalim. Mabilis itong bumaba sa hagdan at pagdating dun nakita niya ang mahalay na tagpo, kung saan niroromansa ni June ang kanyang asawa.

Isang mabigat na yapak mula sa hagdan ang bumulaga kay June, nakita niya si Zaldy at galit na galit na sinabing, “Bakit n’yo ko niloloko ng harap-harapan!”

Mabilis na tumakbo si June, lumapit si Mila para magpaliwanag subalit tinadyakan siya ni Zaldy at binigwasan ng sampal. Tumilapon ang kanyang panga sa lakas ng tama ng palad ng asawa.

Sinundan ni Zaldy si June.”Anung ginawa mo sa asawa ko? pagtatanong ni Zaldy.

Sumagot naman umano si June, “Pare, wala yun, apir tayo! Kung ayaw mo makipag-apir suntukan na lang tayo,” paghahamon ni June.

Tinitigan ni Zaldy si June mula ulo hangang paa, itong lalaki na nasa harapan niya na higit na mas malaki at mas matangkad sa kanya. Tumalikod nalang siya at kinimkim ang sama ng loob.

Hindi matanggap ni Zaldy ang mga pangyayari. Pinagtaksilan siya ng kanyang asawa sa loob ng kanyang bakuran, sa loob ng kanyang bahay, sa ilalim ng kanyang silong.

 Hindi kumibo si Mila dahil alam niyang kahit anung paliwanag niya’y iba ang impresyon na nakatatak sa isipan ng kanyang asawa. Si Zaldy naman para magpalipas ng init ng ulo ay tumuloy sa kanyang ate sa Marikina.

“Tiniis ko ang ginawang pag-alis ni Zaldy naisip kong mas mabuti na ito kesa magkaroon ng gulo dahil sa’kin. Naranasan ko kung gaano kahirap ang walang kasama sa bahay, mahirap ang wala ang aking asawa,” mahinahon na kwento ni Mila.

Inakala niyang hindi na babalik pa ang kanyang asawa. Nagulat nalang siya ng umuwi ito.

Nag-usap sila nangako si Mila na di na siya muling iinom. Hindi naging madali ang pagbalik ni Zaldy sa kanyang lugar. Iba’t ibang kantiyaw at pasaring ang kanyang narinig subalit ‘di niya ito inintindi. Nag bingi-bingihan siya, para sa kanya sapat na ang tahimik na buhay nila ni Mila.

“Naririnig kong sinasabihan nila akong naiputan sa ulo, kapag tumitingin ako tumatahimik nalang sila,” sabi ni Zaldy.

Ang liit ng lugar na kanilang ginagalawan, hindi maiiwasan na magtagpo ang kanilang mga landas.

Isang araw pauwi si Zaldy galing sa isang ‘fiesta’, nakainom, masaya ang pakiramdam subalit ang lahat ng ito’y nag-iba ng makita niya si June na nakaupo sa labas.

Napansin na naman niyang pinagtatawanan siya ni June, mga kaibigan at kamag-anak nito. Namanhid ang buong katawan niya at wala na siyang narinig.

Umuwi siya sa bahay palakad-lakad nag-iisip, napuno na siya sa lahat ng panglalait na ginagawa sa kanila. Naitulak na siya hanggang nasadlak na ang kanyang likod sa pader. Oras na para harapin ang sitwasyon at tuldukan ang lahat.

Lumabas si Zaldy at dirediretso siya papunta kung saan naka-upo si June.

Ang mga susunod na pangyayari ay base sa malayang pahayag ni   Zaldy ibinigay sa amin;

“Pagdating ko dun tinanong ko siya kung anu ba talaga ang gusto niya? Tumayo si June, na para bang naninindak. Nakakita ako ng kutsilyo sa gilid ng mesa nakita niyang tiningnan ko ito, nag-unahan kami.

 Mas maliit ako kaya una ko itong napulot at ‘di ko sinasadyang naisaksak sa kanya. Ang intensyon ko’y takutin lamang siya kaya sa braso ko siya tinira subalit tumagos ang talim ng kutsilo hanggang sa kanyang kili-kili,” laman ng salaysay ni Zaldy.

Nabigla si Zaldy sa pangyayari. Nagulat siya ng sumirit ang dugo sa braso ni June. Tumakbo siya, pakiramdam niya’y may humahabol sa likuran niya. Sinabi niya sa sariling susuko siya. Aksidente ang buong pangyayari ‘di niya gustong sugatan itong si June at mas lalo ang patayin ito.

Sa barangay sinuko niya ang kutsilyong hawak niya at sinabing “nakasaksak ako ng tao!”.

Tinurn-over siya sa Criminal and Investigation Division sa Muntinlupa Philippine National Police (PNP), ikunulong siya ng isang buwan.

Kinailangan niyang magpiyansa ng Php9,000 para sa kanyang “bail at temporary liberty”.

Sa puntong ito nagdesisyon si Mila na tumayo para depensahan ang asawa dahil siya naman ang dahilan kung bakit humantong sa ganito ang pangyayari. Kinasuhan niya si June ng ‘rape’ subalit matapos ang isang ‘preliminary investigation’, na-dismissed ang kaso for lack of merit.

Nabigong patunayan ni Mila na ginahasa talaga siya at nasentro ang atensyon ng taga-usig na ito’y gawa-gawa lamang upang magkaroon sila ng ‘leverage’ sa kasong kinakaharap ni Zaldy na ‘frustrated homicide’.

“Nagahasa na ko,ininsulto nila ang pagkatao ng asawa ko, hindi sila tumigil hanggang di nangyari ang mga ito. Pakiramdam ko masyado na kaming naaapi. Makatarungan bang matapos ang lahat ang asawa ko pa ang nahaharap sa mabigat na kaso?” gulung-gulong wika ni Mila.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo Hustisya Para sa Lahat ang problema ni Mila. Inirefer naming siya sa Public Attorney’s Office ng Muntinlupa upang maasistehan siya sa kanyang kaso.

Nag-iiwan kami ng isang katanungan, dapat bang pagdusahan ni Zaldy ang nagawa niya? Hanggang saan, hanggang kailan kayang magtimpi bago ka lumaban?

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog ang aming numero 09213263166, 09198972854 o tumawag sa 6387285, maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5thfloor CityState Center Bldg. Shaw Blvd., Pasig City.

Email: tocal13@yahoo.com

Show comments