SI Chiz na lang ang kulang! Sa pagdeklara ni ERAP ay halos kumpleto na casting ng halalan 2010. Ngayon nama’y mainit ang bulung-bulungan kung sino ang makakapareha ng ating “presidential candidates”. Marami nang pangalan ang lumantad. Maraming nagpaparamdam. May bumaba mula sa intensyong magpresidente at meron din namang nagpapaligaw at kasalukuyang dumadapo sa iba’t ibang partido sa paghahanap ng pinaka-paki-pakinabang na kaanib.
Hindi ganap ang pag-unawa ng ilan sa halaga ng posisyon ng Vice President. Matapos ang eleksiyon ay madalas nakakalimutan ang mga ito. Ang kasaysayan ng ating bansa ay testigo sa importansiya ng Vice President. Sina Sergio Osmeña, Elpidio Quirino at Carlos Garcia ay mga Vice President na naging President dahil sa pagkamatay nina Manuel Quezon, Manuel Roxas at Ramon Magsaysay. Si Gloria M. Arroyo, itinaas sa puwesto nang tinanggal si Joseph Estrada sa Malacañang.
Ang sistema sa United States ay tinatawag na “block vote” kung saan ang boto mo sa President ay tinatanggap bilang boto rin sa “running mate” nito. Kaya nga nagkaroon doon ng mga personalidad na tulad ni Dan Quayle at Dick Cheney, Bise ng mag-amang George Bush. Kapwa walang pag-asang mahalal kung hindi sila ka-package deal ng ulo. Ganito rin ang dating sistema sa atin sa ilalim ng Saligang Batas ng 1973 kung saan nakasaad na: “A vote for the President shall also be a vote for the Vice-President running under the same ticket of a political party, unless otherwise provided by law”. Si Arturo Tolentino, Bise ni Ferdinand Marcos, ay naging Vice President sa ilalim ng probisyong ito. Maging si Salvador Laurel na ka-ticket naman ni Corazon Aquino ay iniluklok na revolutionary Vice-President dahil dito.
Sa 1987 Constitution, direkta na ang pagboto sa Vice President. Kaya madalas kontra partido ang lumalabas na tambalan – FVR at Erap (tinalo si Lito Osmeña), Erap at Gloria (tinalo si Edgar-do Angara). Ang pagkilatis sa mga kandidato sa posisyong ito ay dapat kapantay ng pagsiyasat sa ibobotong President.
Dahil sa anumang oras, ang spare tire na tinatawag ay maaring ilabas at gamitin upang patakbuhin ang sasakyan.