'Unconditional and absolute' ang pardon kay Erap
NAPAG-USAPAN namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ang desperado na namang pagpipilit ng Malacañang na hindi raw puwedeng kumandidato sa 2010 presidential election si Presidente Erap dahil kondisyon daw ito sa pardon sa kanya.
Pinipilit baluktutin ng Malacañang ang sinasabi ng halos lahat ng mga eksperto sa batas, na ang pardon kay Erap ay “unconditional and absolute” o ibig sabihin ay walang anumang kondisyon at ito ay buong-buo kaya’t alinsunod sa konstitusyon ng ating bansa, it “restores his civil and political rights” o naibalik na ang lahat ng kanyang sibil at pampulitikang karapatan kasama ang karapatang bumoto at iboto sa alinmang posisyon sa pamahalaan kabilang ang pampanguluhan.
Isa sa legal luminaries na ito ay si Justice Magdangal Elma, cum laude ng University of the Philippines (UP) School of Law batch 1962, Master of Laws sa Yale Law School batch 1962 at nagsilbing Presidential Legal Counsel ng dating administrasyong Aquino.
Ayon kay Elma at base rin sa pahayag ni dating Supreme Court Chief Justice Artemio Panganiban, ang sinasabi ng Malacañang na kondisyon daw ng pardon o “executive clemency” kay Erap ay bahagi lang ng “preamble” o “whereas clauses” na naglitanya lang ng mga dahilan ng pardon at hindi “integral part” o batayang bahagi ng alinmang batas o ng pardon kaya’t hindi ito basehan ng ‘rights and obligations’o karapatan at obligasyon, at lalong hindi ito pwedeng maging sagka o mangibabaw sa mismong teksto ng pinag-uusapang pardon. Malinaw aniya na naibalik na kay Erap ang kanyang karapatang bumoto at iboto.
- Latest
- Trending