PALALA nang palala ang iniaasal ni Gloria Macapagal Arroyo matapos ang Bagyong Ondoy at Pepeng. Una, garapalan siyang nanlimos mula sa US, UN at Europe. Para bang hindi alam sa abroad ang masisibang kainan ng tropa niya sa Washington at New York, at ang pagwaldas niya ng P4-bilyong calamity fund para sa foreign junkets. Tapos, dineklara niya na tungkulin ng industrial states na tustusan ang P100-bilyon reconstruction ng Pilipinas dahil sila ang nagbunsod ng climate change at mapanirang bagyo. Animo’y walang kinalaman ang Arroyo admin sa pagwasak ng kalikasan — sa pagkalbo ng kabundukan, quarrying, pagtambak sa estero, paglaspag sa karagatan, at pagbasurahan sa mga ilog at lawa. At ngayon naman ay inismidan pa ang World Bank, na mabilis nag-alok sa gitna ng kalamidad na ibaling sa rehab ang nakaplanong pautang na $400 million (P20 billion). Parang pobreng pala-pili, sinabi ng Malacañang na nais nila ng bagong utang lang.
Malinaw sa iniaasal ni Arroyo na hindi siya magbabago. Mananatili siya sa paniniwalang siya lang ang mahusay at lahat ng iba’y bobo. Itutuloy ng admin niya ang pagyurak sa kalikasan, na naging sanhi ng mga baha at mudslides ng Ondoy at Pepeng. Marami na ngang pruweba:
Hayan ang environment secretary na nagbigay permiso sa katoto na sementohan ang bahura sa dapat ay malinis na Boracay. At nang may umangal, sininghalan niya na kesyo nagbubulag-bulagan sila sa iba pang environment violations sa resort-island. Nariyan ang Cagayan province ng katotong Senate President, na ipinahahakot sa South Korea ang buhangin sa anim na tabing-dagat na municipality. Aba’y ipinagbawal kelan lang ng China, Indonesia, Vietnam, Cambodia, Thailand at Bangladesh ang pag-export ng sea sand, pero ang binabagyo’t binabahang Pilipinas ay pumapayag. Nariyan ang appointees sa MWSS, na nagpabahay sa loob ng La Mesa watershed, at mga retiradong heneral na nag-mansiyon sa Lake Caliraya at Lumot. May tutulong pa kaya sa Pilipinas niyan?