Mahabag po kayo sa akin!
SINABI ng Panginoon ayon kay Propeta Jeremias na ang “Israel ay para Ko nang anak.” Iniligtas ang Kanyang bayan; titipunin ang lahat maging mga bulag at mga pilay pati na mga inang may pasusuhin, mga manganganak at dadalhin sa mga bukal ng tubig. Sinundan ito ng Salmo 126: “Gawa na Diyos ay dakila, kaya tayo’y natutuwa”.
Sa kadakilaan ng Diyos ay pumili rin Siya sa mga tao at itinalagang maglingkod sa Kanya. Maghandog ng mga kaloob at hain upang patawarin ang kasalanan ng mga tao at pati na din ang kanyang kasalanan. “Ikaw ang aking Anak, Ako ang iyong Ama. Ikaw ay saserdote magpakailanman ayon sa pagkasaserdote ni Melkisedek” Sapagka’t pinili ng Diyos ang mga saser-dote o pari at lagi nating silang ipanalangin upang maging matatag sa kabanalan at tuparin ang kanilang mga tungkuling itinalaga ng simbahan. Sa pagbasa ninyo sa column kong ito ay tumahimik kayong sandali at ipanalangin din ninyo ako, isa ring pari.
Ang mga pari ay itinalaga ng Diyos upang tumulong kay Hesus sa pagpapatawad ng kasalanan at magbigay ng liwanag sa mga nadidiliman ng kasamaan. Si Hesus sa Kanyang pagpapagaling ay kanyang tuwirang inaasahan ang tunay na pananalig ng mga maysakit. Ipinakita ni Bartimeo ang kanyang tunay na pananalig kay Hesus upang siya ay pagalingin. Narinig ni Bartimeo, anak ni Timeo na naroon si Hesus at sumigaw siya: “He-sus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin … ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus “Humayo ka, magaling ka na dahil sa iyong pananalig”.
Sa ating mga karamdaman at pagsubok ng Diyos ay huwag tayong titigil ng katatawag at kahihingi ng Kanyang Awa at Biyaya. Tulad ni Bartimeo ay hindi siya tumigil sa pagtawag kay Hesus, Anak ni David. Kahit bulag ay naliwanagan ang kanyang hangaring mapagaling ni Hesus. Maliwanag sa kanyang pandinig ang mga kabutihang nagawa ni Hesus sa mga maysakit.
Mahalaga ang tunay na pananalig. Nadama ko kay Bartimeo na ang pananalig niya kay Hesus, Anak ni David ibig sabihin na si Hesus na galing sa lahi ng mga hari ay hindi ipagkakait ang awa sa isang anak na mula sa lahi ng mga mahihirap na si Timeo. Dalawang beses na ipinagsigawan ng anak ni Timeo na si Hesus ay Anak ni David. Kaya’t sa lahat ng mga anak na dinadala ang pangalan ng kanilang magulang ay ipagpatuloy ang kadakilaan at kabutihan ng kanyang dugong pinanggalingan.
Hesus, anak ni David, mga panulukan ng pangalan na ang ibig sabihin ay ANAK NI: BAR, MC, SON, K(kay), JUNIOR. BARtimeo, BARtolome, MCArthur, RichardSON, ReckSON, Kalvin at lahat ng JUNIOR.
Jer31:7-9; Salmo 126; Heb5:1-6 at Marcos10:46-52
- Latest
- Trending