DAHIL sa pitsa-pitsang lakad ng kanyang mga tauhan, na-relieve sa puwesto si Chief Insp. Zacarias Villegas, ang hepe ng field office ng CIDG sa Quezon City. Subalit hindi nawalan ng pag-asa si Zacarias dahil kahit me kaso nga siya, ang gusto pa ay mailipat lang siya sa field office naman sa SPD. Gumamit ng padrino si Zacarias. Hindi naman pumasa ang padrino ni Zacarias kay CIDG chief Director Raul Castañeda kaya’t hayun sa SPD naman siya nagpaampon sa amo niya. Kaya’t sa ngayon, medyo nag-alala ang mga negosyante sa SPD dahil baka sa kanila naman gawin ni Zacarias ang mga pinagga-gawa niya sa Quezon City. May posibilidad, di ba?
Kaya pala nagalit si Castañeda kay Zacarias ay dahil ni-raid ng mga ito ang Metallica Disco Theatre sa Quezon Ave., Quezon City noong Oct. 9 sa kasagsagan ng birthday party ng isang William Lim. Ang mga bisita pala ni Lim, kasama ang dalawang Koreano, ay inaresto ng mga tauhan ni Zacarias na sina PO3 Gaspar Talawe, PO1 Bert Peralta at PO1 Jude Judluman. Napakawalan ang dala wang Koreano matapos umareglo ng tig-P50,000 kada isa. Samantalang ang iba pang guest tulad nina Sonson Atienza, Richard de Guzman, Richmond Lim, Jeric Sy, Pretzel Molvisar, Jenny de Leon at Cherry Ann Mendez ay nilimas din ang mga cash at mga relos, cell phones at alahas. Ayon sa mga complainant, hiningan din sila ng tig-P50,000 kapalit ng kalayaan nila subalit hindi sila pumayag dahil sa tingin nila wala naman silang ginawang kasalanan.
Iginiit naman ng mga tauhan ni Zacarias na naglalaro ng poker ang mga inaresto nang salakayin nila ang naturang disco. Sinabi naman ng mga complainant na poker nga ang laro nila subalit wala silang tayang pera at panay chips lang ang gamit nila. ‘Ika nga praktis lang ang laro.
Ayon kay Sy, nirikisa siya ni Peralta at kinulimbat ang P1,000 cash sa bulsa niya. Ganun din ang ginawa ni Peralta ke Atienza subalit walang nakuhang pera sa katawan niya. Ang ginawa ni Peralta, pipitasin sana ang Patek Phillip watch na nagkakahalaga ng P800,000 ni Atienza subalit natigil ito ng sabihin ng una na ang relos ay pag-aari ng magulang niya. Kinuha na lang ni Peralta ang kanyang bag na naglalaman ng P85,000 sabay sabing ‘yon na lang ang kabayaran ng paglaya niya. Kinuha rin ni Peralta ang cell phone at relos ni Molvisar samantalang nilimas naman ni Judluman ang gold necklace at relos ni Mendez. Ang lulupit pala ng mga tauhan ni Zacarias at dapat lang na hindi sila kunsintihin ni Castañeda.
Sa kanilang reklamo, sinabi ng mga biktima na ikinulong sila ng mga bataan ni Zacarias ng halos 18 hours mula 2:30 a.m. ng Okt. 10 hanggang 12:30 a.m. kinabukasan. Maliwanag na paglabag ito ng maximum detention period na 12 hours kung ang kaso ay prison correctional lang ang sentensiya. Balak kasuhan ng arbitrary detention, robbery, robbery-extortion, grave threats at gross misconduct sina Zacarias, Talawe, Judluman at Peralta. Buti nga sa inyo.