PRESIDENT Joseph “Erap” Ejercito Estrada at Vice President Jejomar “Jojo” Binay sa 2010 ang pinakamalakas na sigaw ngayon ng mayorya sa taumbayan laluna ng hanay ng masa.
Ito ay kasunod ng pormal na anunsyo na isinagawa ni Erap sa makasaysayan at napakalaking pagtitipon sa Plaza Hernandez sa Moriones, Tondo, Manila noong nagdaang Oktubre 21, na dinagsa ng mahigit sampung libong katao na sumisigaw at umaawit ng “Maligayang pagbabalik, “Erap! Erap! Erap!” Ang tambalang Estrada-Binay para sa pagkapangulo at pagka-pangalawang pangulo ng ating bansa ay nagkakaisang isinusulong ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) at United Opposition (UNO).
Bumabandila naman sa inisyal na senatorial lineup ang panganay na anak namin ni Presidente Erap na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, gayundin si Senate President Juan Ponce Enrile, Senator Miriam Defensor Santiago, Aquilino “Koko” Pimentel III, Congressman Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., businessman Jose de Venecia III, Brigadier General Danilo Lim, Congressman Rodolfo Plaza at Congressman Teodoro Locsin Jr.
Naroon din sa pagtitipon ang mga kaibigan ng aming pamilya tulad ni dating Agrarian Reform Secretary Ho-racio “Boy” Morales, dating Budget Secretary Benjamin Diokno, urban poor leader Ronald Lumbao, Cagayan de Oro Congressman Rufus Rodriguez, whistle blower Sandra Cam at ang mga artistang sina Rez Cortez, Lorna Tolentino, Bayani Agbayani at Tiya Pusit.
Idineklara ni Erap ang kanyang desisyon na muling magsilbi sa sambayanan partikular sa ma-sang Pilipino bilang presidente ng ating bansa laluna’t marami sa kanyang magagandang plano at programa ay naunsyami dahil sa ilegal, imoral at sabwatang pagtanggal sa kanya sa puwesto.
Ako at ang buong pamilya Estrada ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga tao na patuloy na nakikiisa sa aming adhikaing isulong ang tunay na kaunlaran sa ating bansa.