HINDI pa man nakakarekober sa sindak at takot ang mamamayan sa Metro Manila sa pananalasa Ondoy, muli na naman natakot ang ilang mamimili ng Greenbelt 5 nang makipagpalitan ng putok ang dalawang pulis laban sa Alvin Flores hold-up group sa tindahan ng mamahaling relo. Ito kasing Greenbelt ay kilalang modernong mall kaya kampante ang mamimili na ligtas sila. Subalit nagkamali sila sa kanilang akala dahil noong Linggo ng hapon nasaksihan ang bakbakan ng mga pulis at kawatan.
Ganyan kairesponsable ang mga security guard ng Greenbelt. Puro porma lang pala sa pagbabantay ng kanilang puwesto. Super higpit ang ipinakikita nila sa unang tingin kaya sino ang mag-aakala na masusopresa ang mga mamimili noong Linggo.
Maging si Taguig Mayor Freddie Tinga ay napabalikwas sa kanyang kinauupuan nang makipagbarilan ang dalawa niyang bodyguard na sina SPO1 Cesar Tiglao at PO1 Efren Ceniza sa mga kawatan habang ninanakawan ang Rolex Watch Store. Napilitan umano ang dalawang bodyguard na makipagbarilan sa mga kawatan nang pagbabasagin ng mga ito ang iskaparate ng mga relo. Hinostage ang dalawang empleyado. Sumugod papalapit ang dalawang bodyguard subalit sinalubong ng putok ng mga suspek. Kahit na maikling baril lamang ang hawak ng dalawang bodyguard, hindi nagpaargabyado ang mga ito. Napatay nila ang isang kawatan. Nakatakas ang iba pa. Sa ngayon bukambibig ng mga nakasaksi kung paano nakatakas ang mga kawatan gayong sandamukal ang sekyu sa loob at labas ng Greenbelt. Wala ring nakuha sa mga sasakyang kinordon sa basement parking. Nasaan ang pinagmamalaki ni Mayor Jejomar Binay na mga pulis na nangangalaga sa kanyang kaharian?
Hindi ko tahasang sinisisi ang PNP dahil responsibilidad ng mga sekyu ng Greenbelt na pangalagaan ang lugar. Dapat pairalin nila ang kanilang paghihigpit sa pagpasok ng mga tao upang hindi na maulit ang ganitong bakbakan. Kung sabagay talagang kulang sa pagsasanay ang mga security guard ng mga establisimento dahil noong Set. 29, ay pinasok din ang Harrison Plaza sa Malate, Manila. Tumagal umano ng dalawang oras sa loob ng Harrison ang mga kawatan na nakauniporme rin ng Bomb Squad ngunit hindi naitawag sa Manila Police District. Ganyan ka iresponsable ang mga sekyu. Tatlumpung metro lamang ang layo ng Harisson sa Malate Police Station, subalit walang nakasigaw sa natutulog na kapulisan ni Supt. Felipe Cason. Nang makatakas ang mga kawatan, ang binuntunan ng sisi ay mga pulis ni MPD chief Rodolfo Magtibay. PNP chief Jesus Versoza sir, pakipulong mo ang security agencies sa buong bansa para maturuan ng tamang pagbabantay sa puwesto.