MARAMING city dito sa US ang malapit nang mag-elect ng kanilang mayor, at mga councilor. Pero dito ay naiiba at hindi tulad diyan sa Pilipinas na mainitan at mahigpitan ang eleksyon. Wala ritong patayan, walang posters o campaign materials na nakapaskel sa mga pader at punongkahoy. Kaya malinis dito. Nalalaman lamang na may eleksyon sapagkat nakakatanggap ang mga botante ng notice. Binabanggit dito ang mga pangalan ng mga kandidato sa pagka-mayor at councilors. Hindi rin sila gumagastos sa radio-TV. Kung mayroon man, yun ay ang pinadadalang campaign materials ng mga kandidato sa mga bahay ng botante. Walang nagbabahay-bahay para mangampanya.
Kaunti lang ang kinakailangang kapital na pera ng kumakandidato sapagkat walang bilihan ng boto. Ang mga tumutulong sa mga kandidato upang mangampanya ay pawang volunteers lamang at hindi binabayaran. Sa katunayan, ang mga ito pa ang gumagastos sa kanilang mga kailangan sa kampanya. May pagkakataon din na dapat pang pilitin ang isa upang kumandidato.
Ewan ko kung mangyayari ang ganito sa Pilipinas. Pero sa palagay ko e malayong mangyari, sapagkat ngayon pa lang, kitang-kita na agad ang masamang gawi ng pulitika. Maraming gustong maging presidente. May nagsisiraan nang presidentiables. May mga gumagastos na ng limpak-limpak sa political ad.
May nagtatapon na nang milyun-milyong piso kahit bawal sa batas.
Sabi ng mga political experts, gagastos daw ng hindi bababa sa P1 bilyon ang isang kandidato upang magka roon nang malaking tsansang manalo. Kailangang maglabas nang bilyones para makasiguro. Susmaryosep, papaano mababawi ng kandidato ang ginastos samantalang P65,000 isang buwan lamang ang suweldo ng presidente?