DALAWAMPUNG diabetikong may sugat sa paa na ma-lala na at ipinapuputol na ng doctor ang hinahanap upang maging case study na imo-monitor ng BITAG sa loob ng tatlong buwan o siyamnapung araw.
Ito ay dahil sa hamon ng kontrobersiyal na herbalist na si Rey Herrera sa kaniyang herbal na pagagalingin niya raw ang mga ito sa loob ng 3 buwan at kung hindi ay ipasasara ng BITAG ang kaniyang negosyo.
Sa kaniya na rin mismo nanggaling na titigil na rin siya sa kaniyang pagiging herbalist oras na mabigo siya sa hamunang ito.
Ang dalawampung case study na sasailalim sa aming pagmo-monitor ay magmumula lamang sa mga lugar sa Metro Manila upang maging madali sa BITAG na puntahan ang mga ito sa kani-kanilang bahay para sa monitoring.
Sa kasalukuyan, tatlo na ang lumapit sa amin at nabigyan na ng supply ng herbal supplement ni Ka Rey. Labim-pito pa ang aming hinihintay para sa hamunang ito.
Bilang panuntunan ng hamunan, bawal makipag-usap o kumontak ang mga case study kay Ka Rey at sa sinu-mang tauhan nito.
Tanging sa BITAG lamang sila makikipag-ugnayan at oras na may madiskubre kaming komunikasyon sa pagitan ng REH Herbal at ng mga case study, diskuwalipikado agad sa hamunang ito.
Kakailanganin rin ang inyong medical o laboratory records bilang patunay na ang pasyente ay may sakit na diabetes dahil ito ang pangunahing kuwalipikasyon upang maging case study ng hamunang ito.
Maaaring magpunta sa aming studio sa UNTV ang mga diabetikong sasali sa panawagang ito ng BITAG sa mga oras na alas-9 hanggang 10:30 ng umaga.
Ito’y upang personal akong makaharap at maipakita kung sila nga ay mapapabilang sa aming mga case study.