Palpak na hostage-taking drill sa MPD

NAGING makatotohanan ang hostage-taking exercise ng Manila Police District (MPD) noong Lunes ng hapon. Ipinakita ng mga taga-MPD na kaya nilang ilampaso ang rating grade ng apat na district ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ginaganap na Annual General Inspection-Operational Readiness Security Inspection Training and Evaluation (AGI-ORSITE). Huma­nga ang mga inspector ng PNP mula Camp Crame sa minalas este ipinamalas na performance ng mga taga-MPD.

Hindi sukat akalain ng mga taga Explosive and Ordinance Division (EOD Bomb Squad) at ng Special Weapons and Tactics (SWAT) na lilikha nang malaking damage sa gusali ng MPD Academy ang flash bomb. Nagka­basag-basag ang mga salamin ng gusali sa lakas ng pagsabog. Natuklap din ang kisame at ang salamin ng comfort room na 15 metro ang layo ay nabasag din. Kaya si P/Insp. Olivia Sagaysay, hepe ng Criminal Record and Investigation Division (CRID), muntik nang mapaanak sa takot nang sumambulat ang pinto ng kanyang opisina. Pero buo ang loob ni Sagaysay dahil kahit natuliro sa pagsabog, agad lumabas para alamin kung may nadamay sa mga kumukuha ng police clearance sa kanyang tanggapan.

Tiyak ko, makakakuha nang pinakamataas na rating ang mga taga-MPD. Kasi, kahit na nasugatan ang anim na pulis dahil sa mga tumalsik na bubog, tinuloy pa rin nila ang kanilang kapalpakan este performance. Siguro sa mga susunod pang mga drill, may leksiyon na ang mga taga-MPD para hindi na maulit ang pangyayari. Gen. Rodolfo Magtibay sir, pakiimbestigahan nga itong mga reponsable sa insidente at nang hindi lumabas na kahiya-hiya ang Manila’s Finest. Kung patuloy na magiging iresponsable ang iyong mga pulis sa kanilang trabaho, magiging basehan ito ni Manila Mayor Alfredo Lim para palayasin ka sa kanyang kaharian.

Siyanga pala, noong Lunes ay nagbigay ng tulong pinansiyal si Lim sa asawa ng pulis na pinatay sa C.M. Recto habang nagtatrapik. Galit na galit si Lim sapagkat nailibing na ang pulis ay hindi pa nahuhuli ang mga killer. Noong si Lim pa ang hepe ng MPD, kapag may napatay na pulis Maynila, bago mailibing ay nakaburol na rin ang cop killer. Sa ngayon, nalulusutan na ng mga pusakal ang MPD.

Kayo diyan sa MPD, maging alerto sa inyong trabaho at baka sa pagbukas ng bunganga ni Lim, sa kang­kungan kayo pulutin.

Show comments