Singaw: Sobrang nakakainis!
KAIBIGAN, may singaw ka ba sa bibig? Ang sakit hindi ba? Mabuti na lang at nakausap ko ang isang napakagaling na ENT Specialist doctor na si Dr. Elmer De La Cruz.
Saan galing ang singaw? Hindi pa tiyak! May nagsasabi na baka kulang sa bitamina o baka nasobrahan sa stress. Ngunit ang madalas na sanhi ang iyong pagkasugat sa dila o labi. Kapag napaso ka, nakagat mo ang dila mo o kung may teeth braces ka, puwede kang magkasingaw.
Marami na akong nasubukang gamot para sa singaw pero wala itong epekto sa akin. Huwag pong lagyan ng kalamansi at suka. Nakasubok din ako ng mga paint para sa singaw pero balewala ito. Heto ang payo ni Dok Elmer para sa singaw:
1. Bumili ng Solcoseryl Ointment – Ang Solcoseryl Ointment ay pinapahid ng 3-5 beses sa lahat ng iyong singaw. Noong nasubukan ko ito, ang laki pong ginhawa.
2. Mag-Yoghurt o mag-Yakult – Ayon kay Dok Elmer, ang pag-inom ng Yoghurt at Yakult 3 beses sa maghapon ay nakapagtatapal sa sugat ng mga singaw. Kahit nasaan pa ang singaw mo, sa bibig, dila o lalamunan, matatapalan ng Yoghurt at mababawasan ang sakit.
3. Uminom ng antibiotics, tulad ng Amoxicillin 500 mg — Iniinom ito ng 3 beses sa maghapon sa loob ng 5 araw. Mura lang ito sa generics na botika. Kung may kasamang sore throat o tonsils ang iyong singaw, inuman ng Amoxicillin.
4. Uminom ng 8-12 basong tubig sa maghapon — Kapag maraming tubig ang ininom, mas magiging basa ang ating lalamunan at bibig at hindi gaano sasakit ang singaw. Luluwag pa ang ating plema.
5. Umiwas sa maaasim at maaalat – Mahapdi sa singaw ang maaasim na prutas tulad ng orange, saging at mangga. Okay lang sa akin ang melon at pakwan bilang juice. Kumain na lang ng lugaw at malalambot na pagkain para hindi masugatan ang singaw.
6. Uminom na rin ng vitamins C at vitamin B — Wala namang mawawala sa pag-inom ng vitamins. Baka makatulong pa.
Salamat sa Solcoseryl Ointment, Yoghurt, Amoclav tablet at siyempre kay Dok Elmer. Nawala na rin ang singaw ko! Kung gusto niyong kumunsulta kay Dr. Elmer De La Cruz (ENT doctor), tumawag lang sa Manila Doctors Hospital trunk line 524-3011.
- Latest
- Trending