Salisi Gang, nasalisihan ng BITAG!
SA kabila ng kaliwa’t-kanang trahedya at sakunang dinadanas ng ating bansa, sunod-sunod namang nagsusulputan ang mga masasamang-loob ng lipunan. Unang ling-go pa lamang ng Oktubre, dalawang grupo ang sunod na nahulog sa aming patibong dahil sa kanilang mga modus.
Nauna nang naisulat sa kolum na ito ang isang grupo ng budol-budol gang a.k.a Yamashita Treasure. Kinabukasan, notoryus na salisi gang naman ang sunod na hulog sa BITAG dahil sa kanilang walang humpay na pambibiktima. Dalawang bading ang nakuwelyuhan namin sa pagkakataong ito.
Talamak ang pambibiktima ng nasabing mga suspek dahil suki pala sa blotter ang kanilang pambibiktima sa Maynila. Ito ay base sa reklamo at deskripsiyon sa kanila ng mga naging biktima.
Tulad ng budol-budol, kinukuha muna ng mga ito ang ti wala ng kanilang mga walang malay na biktima. Mula sa kanilang pangalan, salisi gang, alam mo na agad ang estilo ng kanilang modus. Kung saan may pagkakataong maisahan ang kanilang biktima, oras na nakatalikod ito, sasalisihan nito o kukunin nito ang mahahalagang gamit ng kaniyang biktima. Pagkatapos, ilang araw ang palilipasin tatawagan ang biktima at ipatutubos niya ang gamit nito.
Alam ng mga suspek na ang gamit na kanilang kinuha ay mahalagang bagay na hindi magdadalawang isip ang biktima na tubusin ito sa anumang paraan.
Ganito ang istorya ng isang seaman na paakyat na sana ng barko sa buwang ito subalit nasalisihan ng salisi gang na natukoy sa itaas. Binitbit ang lahat ng kaniyang dokumento tulad ng passport, seaman’s book maging mga kontrata sa barko. Kung dati-rati pinapadala lamang nila sa biktima ang bayad sa pamamagitan ng mga remittances center, ngayon, garapalang nakikipagkita na ito upang kunin ang pera.
Ang resulta, hulog sa BITAG. Abangan ang kabuuan ng istoryang ito sa mga susunod na episode sa programang BITAG.
- Latest
- Trending