EDITORYAL - Sakit ang aatake pagkatapos ng baha
HANGGANG ngayon marami pang lugar ang lubog sa baha at sabi baka abutin pa ng hanggang Disyembre bago tuluyang mawala ang tubig. Nangangamba na ang mga residenteng nakatira sa paligid ng Laguna de Bay sapagkat hindi sila makapamuhay ng normal. Kailangan pa nilang magbangka para lamang makabili ng pagkain. Pati ang pag-aaral ng kanilang mga anak ay apektado. Ang labis pa nilang kinatatakutan ay ang pagkalat ng sakit dahil sa maruming tubig na kanilang tinatapakan. Mas nakaaawa ang kalagayan ng mga bata na mas madaling dapuan ng sakit na makukuha sa maruming tubig.
Sa mga evacuees na kasalukuyang nasa ULTRA, kinatatakutan nila ang pagkalat ng sakit. Napakaraming evacuees sa ULTRA sapagkat doon dinala ang mga pamilyang apektado ng baha sa Pasig. Halos magsiksikan sila sa evacuation centers. Karamihan sa mga pamilyang naroon ay may lima o anim na anak na pawang maliliit pa. Tiyak na kapag may nagkaroon ng sakit, mabilis na hahawa iyon at ang delikado ay ang mga bata. Umano’y may mga batang nagkaka-diarrhea at nilalagnat.
Mas delikado naman ang mga apektadong pamilya sa Valenzuela sapagkat hanggang ngayon, ang tubig na nananatili sa kanila ay mula sa mga poso negro. Stagnant ang tubig sa may 12 barangays sa Valenzuela at inirereklamo na ng mga residente ang masangsang na amoy ng tubig. Hindi malayong magkasakit ang mga residente kapag hindi pa humupa ang tubig doon. Sabi ng mga residente roon, dalawang linggo na silang nakalubog sa hindi kumikilos na tubig.
Sakit ang umaatake pagkaraan ng baha. Hindi man kinukulang ng pagkain ang mga tao sa evacuation center, siguruhin namang hindi sila magkakasakit dahil sa maruming tubig. Bukod sa diarrhea at lagnat, dapat ding mag-ingat sa leptospirosis at dengue ang mga tao sa evacuation centers. Ang leptospirosis ay sakit mula sa ihi ng daga at humahalo sa baha. Ang dengue ay mula sa lamok na tinatawag na Aedis Aegypti. Imulat ng Department of Health ang mamamayan sa mga sakit na nakukuha sa baha.
- Latest
- Trending