'Si Attorney at ang mga dalagita'
(Huling Bahagi)
TOK, TOK, TOK…
Ito ang nagpagulat sa lumilipad na isipan ng dalawang dalagita.
NUNG BIYERNES, naisulat ko ang sinapit ng dalawang menor de edad na si Russell, 14 na taong gulang at Jessa 16 anyos sa kamay ni Lilia Ortiz, may-ari ng Shallom Videoke Bar kung saan sila pinagtrabahong G.R.O.
Sumikat na ang araw, isa lang ang nasa isip ng mga dalagita… ang senaryong naranasan sa Shallom.
Nakarinig sila ng isang katok mula sa pinto ng kanilang silid, nagkatinginan sila Jessa at Russell… alam nilang hudyat ito ng panibagong gabing naghihintay sa kanila sa bar.
Walang kurap na tinitigan ng dalawa ang pinto, naghihintay kung sino ang nasa likod ng sunod-sunod na katok. Pumasok si Lilia at dun pinag pawisan sila ng malamig… animo’y nakakita ng multo.
Dumating na ang kalbaryo ng dalawang dalagita. Nandun ng muli si Lilia upang paghandain sila papuntang Shallom subalit mabilis na dininig ng Diyos ang kanilang dalangin.
Nagulat na lang si Russell ng sabihan siya ni Lilia na, “Magbihis ka, parating na ang lola mo!”
Nakahinga ng maluwag si Russell, ang nangyari pala’y agad na nag-imbestiga ang kanyang lola ng siya’y nawala. Nalaman niyang ni-recruit ang kanyang apo ni Cara Datoy, kanilang kapit bahay.
Ipinagtapat ni Cara na pinasok niya kay Lilia itong si Russell sa dati niyang pinagtatrabahuhan kaya agad na umaksyon ang kaniyang ulirang lola para siya’y maisalba.
Dumating si Melita sa La Union, dumiretso sa Police Station at nakipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para marescue ang kanyang apo.
Malinaw naman na protektado ang bar ng mga pulis kaya’t nakaabot kay Lilia ang kanilang hakbang.
Gumawa ng drama itong si Lilia. Inilagay siya sa isang kwarto para magpanggap na nag-aalaga ng bata habang tinago naman si Jessa at Nicole sa isang bodega.
Sa takot ni Russell, naging sunod-sunuran siya kay Lilia at nagkunwaring taga alaga sa mga anak nito.
“Hindi ako makapagsalita dahil natatakot ako, hindi lang para sa aking sarili kundi para na rin sa aking lola” pahayag ni Russell.
Dumating ang pagkakataon na iniharap na sa kanya ang pasaway na apo, nagmadali silang sumakay ng bus pabalik ng Maynila at nagulat nalang si Melita ng pinagtapat ni Russel ang kanyang dinanas… isang mahabang gabing ayaw matapos.
Habang papalapit na sa Maynila sila Melita ay naiwan naman itong sila Jessa sa isang maliit, mainit at madilim na bodega. Gustong niyang tumakas subalit guwardiyado sarado sila ng isang lalaking nakilala niya sa pangalang “Boy”.
Naisip ni Jessa na ito na ang kanyang katapusan, maiiwan na siya sa Shallom at habang buhay na siyang magiging GRO.
“Nawalan na ako ng pag-asa ng mga panahong yun, naisip ko nun si Russell nakaligtas siya… at ako naiwan,,” wika ni Jessa.
Marahil sa takot nitong si Lilia dahil baka magsalita si Jessa ay binitawan niya ito sa kanyang puder at tinurn-over na si Jessa sa DSWD. Dalawang Linggo siyang namalagi dito bago makapiling ang kanyang magulang.
Hindi pinalampas ni Melita ang pang baboy na nangyari sa kanyang apo. Nakahanap sila ng tutulong at nagpunta sila sa Philippine National Police (PNP), Crime Laboratory upang ipa-examine si Russell. Nang malamang positibong nagalaw ang bata, diretso silang nagtungo sa National Bureau Investigation, Anti-Humantrafficking Division (Antrad) at nagbigay siya ng salaysay kay NBI Agent Giselle Garcia.
Matapos ang imbestigasyon finorward nila ang reklamo sa Prosecutor’s Office Taguig na pirmado ni Director Nestor Mantarin at ni Asst. director na si Victor Besat.
Sinampahan ng kasong Illegal recruitment at R.A 9208 o Anti Human Traficking in relation to R.A 7610 (Anti Child Abuse Law) sina Lilia, Chona at Cara.
Inere namin ang kanyang istorya sa aming programa sa radyo “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882khz.
Nakipag-ugnayan kami kay Sr.State Prosec.Archimedes Manabat na siya ring City Prosec ng Taguig City.
Gusto namin siguruhin na di magkakaroon ng lusot dahil sa isang ‘technicality’ ang umanoy pang gagahasang nangyari sa La Union at dahil jurisdictional ang pagsasampa ng kaso baka ma-dismissed ito dahil sa maling venue. Mapunta sa wala ang lahat ang kanilang paghihirap.
Ipinangako ni City Prosec Manabat na masusi nilang pag-aaralan ang kasong ito. Sakali ngang magkaroon ng kuwestiyon kung saan dapat ang preliminary investigation hindi sila mag-aantubiling i-forward ang lahat ng papeles sa La Union.
Sa kaso ni Russell “continuing offense” ang nangyari dito. Nagsimula sa Taguig kung saan sila ni-recruit at nagpatuloy hanggang La Union kung saan siyang ginahasa at narescue. Ang importante ay mailabas ang resolution dahil malinaw naman na may “probable cause” o batayan para ito ay maisampa sa Korte. Kung sa La Union man didinggin ang kasong rape o sa Taguig naman ang kasong Illegal Recruitment lilinawin ito ng Korte Suprema na isinasaalang-alang ang kapakanan at upang hindi naman maging mahirap para sa biktima. Asahan ninyo na tututukan namin ang kasong ito. (KINALAP NILA MONIQUE CRISTOBAL AT AICEL BONCAY)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City
ANTABAYANAN sa MIYERKULES ang reklamo ng isang ina tungkol sa SOGO HOTEL dahil sa pagkakabuntis umano ng kanyang anak na menor-de-edad ng ito’y paulit-ulit na nakakapag-check in sa SOGO HOTEL at pinapayagan naman daw ng hotel na ito (motel nga ito) kahit malinaw na minor yung bata.
Ang mga tao na nasa likod ng ga-higanteng hotel na ito kung sino-sino sila at bakit hinahayaan ng Securities and Exchange Commission (SEC) na maliit lamang ang subscribed at paid up capital nitong bagong Motel King… Ang Sogo Hotel.
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending