NAIINIS ang Malacañang sa mga batikos tungkol sa kalamidad ni Storm Ondoy. Pero si Gloria Arroyo mismo ang nag-iimbita ng kritisismo. Nu’ng nagsisimula mag-baha ang Manila, nagpa-look busy siya sa pagta-traffic sa kanto malapit sa Palasyo. Pero pagpapasensiyahan na sana siya ng madla kung hindi niya ito sinundan ng marami pang pamumulitika. Tulad ng, pinatira niya sa Malacañang ceremonial hall, imbis na sa evacuation place, ang kalahating dosenang pamilyang binaha malapit sa Palasyo. Tapos nagwala siya nang makitang may 100 pang tao sa ulan sa may Malacañang gate at naghihintay papasukin. Tumungo siya sa Pampanga voting district, ika-33 beses nitong taon, para mamahagi ng relief bagamat mas malala ang sinapit ng ibang pook. At ang pinaka-malala ay ang pagdeklara niya ng isang taong pambansang state of calamity. Malisyoso ito. Ginamit niya ang kalamidad para magpalakas sa mga lokal na politiko.
Ang state of calamity para sa kabutihan ng madla. Pinapayagan nito ang mga opisyal sa probinsiya, siyudad, bayan o barangay na gastahin ang 5% ng kanilang calamity reserve funds para emergency items. Suspendido muna ang canvassing at bidding rules. Isinasalba, pinakakain o ginagamot ang mga biktima nang walang red tape. Nagpapataw din ang awtoridad ng price controls at kontra hoarding. Pangsalba lahat ng buhay, ika nga.
Pero kaduda-duda ang “isang taon-pambansang” saklaw ni Arroyo. Dalawampu’t-limang siyudad at probinsiya lang ang sinalanta ni Ondoy sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog. Daan-daang ibang hurisdiksiyon sa Visayas at Mindanao ay ni hindi inulan. At lalong hindi kailangang 12 buwan ang haba. Kapag ma tagal ang price controls, tatabangan ang manufacturers gumawa ng basic commodities. Tsaka, mag-e-eleksi yon na. Payayamanin lang nang matagal na suspensiyon ng bidding rules ang lokal na opisyales. Parang binigyan na sila ng lisensiya na magnakaw sa kabang-bayan para sa kanilang reelection.
Kailangan pa man din ni Arroyo ang suporta nila para sa mga kandidato niya.