Kailan babalik Sintang Pilipinas
ang dating panahong masayang lumipas?
Mga tao noo’y sagana sa lahat
walang nagnanakaw – walang nandarahas!
Kailan babalik dating disiplina
na sa ngayon dito’y waring naglaho na?
Ang simpleng gawain tungkol sa basura
tinalikdang lahat kaya nagbabaha!
Kailan babalik masasayang araw
na ang mga bata ay nagtatampisaw –
Nagsisipaligo sa patak ng ulan
pagka’t nililinis kanilang katawan!
Ang delikadesa’y kailan babalik
sa mga nilikhang sa p’westo ay sabik?
Kahi’t masasama’t ang ngala’y may batik
kandidato pa rin sa p’westong mainit!
Kailan babalik taong may prinsipyo
na noon ay gawi ng taong may modo?
Di sila gahaman sa pagnenegosyo
Nasisiyahan sila sa kokonting tubo!
Kailan babalik yaong katapatan
na dati ay taglay sa puso’t isipan
Ng mga nilikha na namamasukan
kaya ang gobyerno ay maaasahan?
Panahong masungit hindi nagbabanta.
pagka’t ang basura’y malayo sa baha;
Pagdaan ng bagyo’y ikinatutuwa
dahil nadidilig bukiring sagana!
Magbalik pa kaya ang magandang asal
nitong kabataa’t mga mag-aaral?
Sila’y nagmamano pagdating ng bahay
at sa matatanda sila’y nagpupugay!
Babalik pa kaya ang lahat ng ito
sa ating panahong tila nagbabago?
Pagbabagong ito kung lilimiin mo –
ang may kasalanan ay tayo ring tao!