MAY isang kilalang tao na may kakaibang ugali. Ayaw gumamit ng mga bagong kagamitan, pati pagkain, dahil sayang daw. Ang mahirap, inabot na ng bulok ang mga pagkain at delata. Hindi na nakain, naging lason pa!
Parang ganito ang nangyari sa Effective Flood Control Operation System (EFCOS) isang sistema na nagbabantay ng dami ng ulan at lebel ng tubig sa ilang lugar, para maiwasan ang pagbaha sa Metro Manila sa pamamagitan ng operasyon ng Manggahan floodway at Napindan Hydraulics Control. Meron pala tayo nito! Pero ano ang nangyari? Nilipat ang pamamahala ng sistema mula sa DPWH, na nag-umpisa ng proyekto, sa MMDA noong 2002. Nagsimula ang proyekto noong dekada nobenta at natapos noong 2001. Ginamit ang sistema sa umpisa. At dahil lahat naman ng kagamitan ay nasisira at naluluma habang tumatagal, minabuti ni MMDA Chairman Bayani Fernando noong 2006 na huwag nang gastusan ang sistema dahil wala naman daw malaking benepisyo ang halos isang bilyong pisong kagamitan na ito. Nagbigay pa ng halimbawa ang isang flood control director ng MMDA na ang pagpapaayos ng isang water-level na istasyon ay magkakahalaga ng kalahating milyong piso. Ahhh. Magkano ulit ang binigay sa mga kaalyadong mambabatas at opisyal ng administrasyong Arroyo sa isang almusalan sa Malacañang? At magkano naman yung daan-daang galon ng pink na pintura, na gustong ipinta sa buong lansangan? Magkano naman inabot ang lahat ng larawan niyang naka-paskel sa lansangan? At magkano ulit ang hapunan nina President Arroyo? May malalaking silbi ba ang mga iyon? Hindi na lang sana nagsalita itong flood control manager na hindi naman na-manage ang flood! Paano natin masasabi na walang tulong ang sistema kung hindi naman lubusang nagamit! Mga Hapones ang gumawa niyan, siguro naman may silbi iyan! Natural, kung kelan kailangan na kailangan ang sistema, sira at bulok na!
Mukhang isang imbestigasyon na naman ito. Natu-tuldukan na ang buong bansa ng mga gamit na hindi naman napakinabangan! Bataan Nuclear Power Plant, Manila Film Center, Palace in the Sky at EFCOS. Sigurado marami pa diyan. At siguradong may mga kumita rin sa mga iyan! Kaya ngayon, wala pa ring benepisyo ang EFCOS? Kung si MMDA Chairman ang tatanungin, siguradong wala ang sagot.