Sinseridad na may kapasidad
KAPUNA-PUNA ang pag-amin ng isang senador sa Forum of 100 Local Government Champions with the Presidentiables na dapat pa niyang pag-aralan ang mga isyu na hinaharap ng ating mga pamahalaang lokal bago masagot ang mga katanungan ng mga mayor. Opinyon ng ibang reporter at komentarista (tulad ng Newsbreak magazine): para sa isang Chairman ng Senate Committee on Local Government, kagulat gulat ang kanyang kawalan ng paninindigan sa mga isyu, lalo na sa mahalagang usapin ng devolution na bahagi ng mas mala- king isyu ng local autonomy.
Dito lang sa ganitong talakayan makikilatis ang mga nagpiprisintang kandidato. Ang tawag dito’y “double edged sword”. Oportunidad na makilala. Pagkakataon ding pumalpak. Nasa kamay mo kung lulutang ka o lulubog.
Kahit sa panahon ng kalamidad, nakatutulong ang ganitong uri ng ehersisyo dahil importante sa ating kumpiyansa na patuloy at hindi nakumpromiso ang pagtakbo ng mga institusyong demokratiko. Sa pagkakataong ito, higit kailanman, natututok ang ating isip sa kuwalipikas-yon ng mga naghahangad maglingkod.
Ang naganap na trahedya – ang mismong kalamidad, ang pagbaha, at ang kakulangan ng gamit at imprastruktura upang matulungan ang lahat – ay maihahambing sa isang total breakdown ng pamumuno. Ngayong mas naiintindihan na natin ang mga sanhi, walang kukuwestiyon sa obserbasyong nagkulang ang lahat ng ating naging pinuno, mula pa kay Marcos. Iniwasan ng lahat ang mga mabigat at kritikal na desisyon, lalo na sa Urban Planning at Disaster Risk Management. Hindi sana napunta ang ating mga kababayan sa ganitong peligrosong sitwasyon.
May kinalaman ang corruption, siyempre, sa pagpikit mata at kibit-balikat ng mga naupo na. Walang duda na ang bansa ay makikinabang sa isang malinis na kandidato na “walang alam” sa kalokohan. Subalit mawalang galang na po, ang pagiging malinis at tapat ay dapat ding sabayan ng kakayanang gumawa ng mga kritikal na desisyon, ng dunong at tapang na pangatawanan kung sino ang iuuna at ihuhuli sa pagbahagi ng laging magkukulang na resources. Maganda ngang makita na ang isang pinuno ay natapos ang termino na walang bahid ng kalokohan. Subalit kung iyan lang ang maipagmamalaki, paano naman ang performance na kailangan ng taumbayan? Magandang pambungad ang sinseridad. Mas maganda sana kung ito’y may kasabay ding kapasidad.
- Latest
- Trending