Sakuna sinamantala ng pulitikong 'trapo'
NAGING isyu ang pamimigay ng mga “presidentiable” ng relief goods na may pagkalaki-laking pangalan at litrato nila. Anang mga suklam sa “trapo” (traditional politico), ginagamit ng mga tatakbo sa pagka-presidente ang sakuna ng Storm Ondoy para magpalapad ng papel sa botante. Nais daw ng kandidato na magka-utang na loob sa kanila ang mga nasalanta o kaya’y matandaan ang “kabutihang loob” nila, para iboto sa Mayo 2010. May mga nagpayo na tanggapin ang tulong pero ibasura ang nanggagamit na politiko. Meron ding nagsabing kasuhan dapat sila ng electioneering. At may umikot pang survey sa Internet kung tama ba ang asal nila.
Para sa akin, simple lang ang sagot. Kung tutulong ka, itotodo mo ito nang walang kapalit. May kasabihan sa Uropa: Pagpalain nawa ang tumulong pero hindi nagtanda, at ang tinulungan pero hindi lumimot. At ani pilantropong R.G. LeTourneau, “Kung tutulong ka para makinabang, wala itong pakinabang,” Walang modo’t makapal ang mukha ng taong nagbibigay para lang pasikatin ang sarili.
Kasuklam-suklam din ang iniasal ng Arroyo admin sa gitna ng relief efforts dahil sa salanta ni Storm Ondoy. Binatikos ng Malacañang ang mga komentarista na pumuna sa kabagalan ng admin sa pagtulong. Kesyo raw wala munang dapat pulitika at magkapit-bisig sa pag-relief. Pero kasabay noon ay ipinuslit ng admin ang dalawang kilos-politika. Una, ipinabasura sa mga alipores sa Kamara ang impeachment case laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez na kaklase ni Mike Arroyo sa law school. Ikalawa, ipinabasura sa mga ali pores sa Comelec ang kaso ng Lakas originals laban sa Lakas-Kampi merger. Itinaon nilang walang papalag dahil abala lahat sa pagtulong sa mga nasalanta. Balik-harap talaga ang admin.
At pinag-ibayo pa ang ad ni “vice presidentiable” Ronnie Puno na “DILG ay tahimik na nagtatrabaho, kaya marami kaming na-gagawa.” Kung totoong tahimik siya, bakit guma-gasta ang “Friends of Ronnie Puno” ng milyon-milyong piso para i-brodkast ang pinaggagagawa niya?
- Latest
- Trending