'A Nice(?) reply...'
GAYA NG IPINANGAKO ng “NICE HOTEL” officials na ibibigay nila ang kanilang panig, nakipag-ugnayan sa aming tanggapan ang kanilang representative na si Lawrence Villanueva. Siya ang General manager ng Nice Hotel sa Caloocan City at kumakatawan sa mag-asawang Betty at Carlos Te ng Davao City ang mga prominenteng tao sa likod ng Color Group, Incorporated na siyang may-ari ng hotel na ito.
Nice naman talaga kami Mr. Calvento at biktima lang kami sa lahat ng gusot na kinasangkutan ng pagbukas ng hotel. Ganyan yata talaga panganganay. I call it “birth pangs” o fine tuning para sa iba. Malaking pagsubok nga ito para sa amin to be able to rise above the predicament that we are in,” wika nitong si Lawrence na nakangiti pa.
Matatandaan na nasadlak ito sa iba-ibang kontrobersya ng sila’y magbukas nung August 15, 2009 na kulang pa umano ang mga kaukulang permit.
Pati kanilang “official receipt” na dapat sana ang Bureau of Internal Revenue ang nagbigay ay hindi dumating sa takdang oras o araw kaya’t kinailangan nilang gumamit muna ng dati nilang resibo.
“Ayos na naman sa BIR kami at kung anuman yung sales namin nung araw na yun ay ise-settle namin sa BIR. Hindi lang talaga dumating sa tamang oras yung resibo subalit wala kaming intension na lokohin ang munisipyo at lalo na ang BIR. Maayos na nagnenegosyo ang mag-asawang Betty at Carlos Te at ang Color Group, Inc.,” mariing sinabi nitong si Lawrence.
Ang Nice Hotel na nasa Kalentong sa Highway Hills ay nakipag-ugnayan sa Mandaluyong government at ang bale tumayong “liaison officer” na tumulong sa pagpoproseso ng kanilang mga papeles ay isang nagngangalang ARNEL CRUZ na may “plantilla” na Administrative Officer I sa Mandaluyong City Government.
“In good faith kami sa Nice Hotel. Sinabi nitong si Arnel na ayos na ang lahat at ibinigay na namin ang lahat ng kailangan bayarang fees. Taga Mandaluyong munisipyo siya at wala kaming dahilan para pagdudahan itong kanyang mga ginagawa. Kausap siya ng aming contractor. We will not do anything to FIGHT CITY HALL, lalo na si Mayor Benhur Abalos,” ayon kay Lawrence.
Napaulat na kinwestyon ni Catherine De Leon Arce ang hepe ng Permits and Licenses Division ang mga papeles ng Nice Hotel at ipinakita nito sa Engineer’s Office ng Mandaluyong.
Ang hepe na si Engr. Crisanto Roxas ay mabilis naman nagreact at sinabing peke ang pirma niya at ng ilang mga kasama nila.
Nakausap namin si Jimmy Isidro, ang Public Information Officer ng Mandaluyong na siyang pinatawag sa akin ni Mayor Benhur Abalos upang bigyan kami ng kopya ng order na inuutusan ang Nice Hotel na itigil ang kanilang operations (Cease and Desist Order) at kung hindi mapipilitan siyang ipasara ng tuluyan ang bagong bukas na hotel.
“Sumunod naman agad kami at katunayan hanggang ngayon sarado pa rin kami. Nagbayad na kami ng lahat ng kailangan at umaapila din naman kami sa kagalang-galang na Mayor na nalulugi kami dahil ilang linggo na kaming sarado,” hinaing ni Lawrence.
Wala naman daw silang kasalanan at kung meron man ay itong si Arnel Cruz na ito ang dapat habulin ng sisi!
SA PANIG naman ni Engr. Roxas ipinaliwanag niya na kung meron silang masamang balak na magpalusot o dayain ang sinuman di sana hindi niya rin inexpose ang pagkapeke ng kanyang pirma at ilan niyang mga kasamahan.
“If we wanted a cover up sana nanahimik na lang kami at inayos na hindi pa mabubulgar sa publiko. Kasiraan namin at pati na rin ng munisipyo ang mga pangyayari. Ang intension namin ay maka-enganyo ng mga investors para sa aming lungsod at hindi para dalain siya gaya ng ginawa nitong si Arnel,” paliwanag ni Roxas.
Ang legal tenet na “those who come to court should come with clean hands” ang maliwanag na sinasabi nitong si Engr. Roxas. Intensyon nilang kasuhan itong si Arnel Cruz na para sa kanila sin liwanag ng ating panahon ngayon matapos ang dalawang delubyo ang nasa likod ng kagaguhang ito.
PAANO NA NGAYON Mayor Abalos? Kung totoo ngang kumpleto ang mga papeles at mga bayaran ng Nice Hotel sa munisipyo nararapat din naman na maayos na ang lahat ng ito. Hindi ba?
Si Arnel Cruz sa huling balita galing kay Isidro ay nagsumite ng kanyang “resignation letter” mula sa kanyang trabaho, Ibinigay ni Isidro ang kopya ng sulat ni Cruz na nagsasabing “irrevocable” ito.
Ang tanong naman, “paano na ang abala at pinsala na ginawa ng taong ito hindi lamang sa pagkakapeke ng mga pirma ni Roxas etal at ang nawalang income ng Nice Hotel?
Ang pagre-resign nitong si Cruz ay nangangahulugan na wala na siyang dapat harapin. “Flight is an indication of guilt.”
Hindi rin namin basta maaring palampasin ang lahat ng sakit ng ulong dulot niya. Hid resignation is still subject to legal actions, “ ayon kay Engr. Roxas sa kanyang pagtatapos.
Sa panig naman ng Nice Hotel maari din naman nilang sampahan ng kasong ESTAFA si Cruz Violation of Article 315-B ng ating revise penal code kung may itinakbong pera nga ito kasama na rin ang mga “actual at moral damages” na dulot ng umano’y ginawa ng pagsalanta ng bagyong ito.
PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag tinatawagan namin ng pansin itong si Arnel Cruz para maibigay ang kanyang panig sa isyung ito.
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan maari kayong tumawag sa 6387285 o magtext sa 09213263166 o 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email: [email protected]
- Latest
- Trending