Bigay-todo sa evacuees
MABUTING gawa ay mabisang dasal, anang mga Serb. Magpasalamat nawa tayong mga iniligtas ng Maykapal mula sa hagupit ni Storm Ondong sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nawalan ng pamilya’t bahay.
Kailangan ng 500,000 evacuees ng pagkain, inumin, gamot, damit, pantulog at pambanyo. Isipin kung ano ang Ginagamit natin pang-araw-araw, dahil ‘yon ang wala sila: Mainit na ulam at malinis na tubig, prutas at pahimagas, baso’t tasa, bitamina’t aspirin, alkohol at bulak, pantalon at polo, palda’t bestida, panty at brief. sumbrero’t jacket, sapatos at medyas, kumot at unan, tuwalya’t sabon, sipilyo’t toothpaste. Bumili nang bulto. O kaya’y halungkatin ang aparador para sa luma o bagong maipapamahagi. Ipami-gay pati ang paboritong gamit. Sinusukat ng Diyos ang ibinibigay natin sa pamamagitan ng itinatabi natin. Tipirin ang pang-date o sine nang ilang buwan at i-donate sa relief. Todo-todo tayong tumulong. Langit ang magbabayad sa mga mapag-kawang-gawa, ani Lord Byron.
Pagaangin ang hirap ng mga bata sa evacuation centers. Padalhan sila ng laruang pang-grupong nagtuturo ng pagbibigay at teamwork: Sipa, jackstones, pick-up sticks, bola, kotse-kotsehan, skipping rope o doktor-doktoran. Kailangan din ng teenagers ng libangan. Regaluhan sila ng gitara, silindro o flute na kawayan. Mag-chip-in ang barkada o pamilya para sa soccer o basketball, badminton, larong isip, at pocketbooks.
Kailangang maglinis at mag-ayos ng mga nasirang bahay. Bigyan sila ng mga balde’t iskoba, walis at trapo. Magagamit ng mga lalaki ang pako’t martilyo, lagare’t pliers. Sa mga babae, pansulsi, at bagong gamit pangkain at pangkusina. Lahat ito para makapagsimula muli.
Pagkatapos ng klase o trabaho, tumungo sa barangay hall o kapilya na ngayo’y evacuation center. Tumulong sa pamamahagi ng relief goods. Buuin ang evacuees sa mga komiteng tagalinis at tagaluto. Pamunuan ang mga bata sa laro at dasal. Mapapakinabangan natin ang karanasang ito. Ika ng Estonians, ang nagbigay nang maluwat ay nag-aani nang malago.
- Latest
- Trending