Umamin din
Sa wakas umamin na rin si Armed Forces Western Mindanao Command (Westmincom) chief Maj. Gen. Mohammed Ben Dolorfino na may kinalaman si Uztadz Habier Malik ang leader ng Misuari Breakaway Group (MBG) ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa mga pang-atake sa mga Marines at maging sa US soldiers nitong mga nakaraang araw sa Sulu.
Sa simula ayaw pang aminin ni Dolorfino at panay ang kanyang pag-deny na may kinalaman nga si Malik sa magkasunod na ambush na ikinamatay ng ilang Marines at dalawang US Navy SEALs sa Sulu kamakailan lang.
Napilitang aminin ni Dolorfino na hindi nga Abu Sayyaf lang ang umaambus sa mga Marines kundi ang grupo nga ni Malik ang naghahasik ng lagim sa Sulu.
Kung tutuusin nga hindi na gaano karami ang lakas ng Abu Sayyaf. Lumalabas na sila yong mga dumudukot ng kanilang mga bibiktimahin at pinapasa naman nila sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) pag sa Basilan nila tinatago ang biktima. Pero pag sa Sulu naman, ang mga MNLF naman ang kakampi nila, lalo na ang grupo ni Malik.
Ang tanong nga ay kung kailan Abu Sayyaf at kailan MILF or MNLF ang mga bandido sa Basilan at Sulu.
Si Malik ay ang napakasugid na follower ni former Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Nur Misuari. Siya ang nanguna sa armadong rebelyon laban sa pamahalaan noong 2001 nang hindi nahalal uli si Misuari bilang ARMM governor.
Dahil nga sa daming karahasang ginawa ni Malik, binansagan na nga siyang terorista dahil siya ay involved din sa pangbobomba at iba pang terrorist activities.
Si Dolorfino ay naging biktima rin ni Malik noong ito ay naging hostage niya sa kanyang kampo sa Panamao noong 2007.
Sana sa pagkakataong ito ay hindi na pagtakpan ni Dolorfino ang MNLF at si Malik sa karahasang ginawa nila nitong mga huling araw.
At sana totohanin na ni Dolorfino ang pagtugis kay Malik dahil nga sa patung-patong nitong kasalanan sa komunidad.
- Latest
- Trending