DAHIL sa parating na bagyong Pepeng, tila naging pra-ning na ang lahat ng tao kapag napapalakas ang ulan. Aaminin ko na pati ako ay napapatingin sa langit, na para namang marunong akong magsabi kung tatagal ang ulan o hindi! Panay din ang tingin ko sa mga kanal, kung maganda pa rin ang pasok ng tubig dito, at kung nababarahan na ng basura. Sa totoo lang, kapag ang ulan ay tumagal ng kahit limang minuto lang, kinakabahan na ako at baka maulit na naman ang Setyembre 26! Kaya nang kumalat ang balita ukol sa malakas na bagyong Pepeng, lalong lumala ang pagka-praning ng taumbayan.
Punumpuno ang mga grocery noong Biyernes ng hapon hanggang sa pagsara. Pero kapansin-pansin ang matinding pamimili ng sa tingin ko ay mga mayayaman na pamilya. Noong una ay akala ko ay namimili para ibigay sa mga relief center, dahil sa dami ng shopping cart na nakapila. Pero nang pansinin ko ang laman ng mga nasabing cart, iba-iba ang laman at hindi dose-dosena ng isang klaseng de-lata na katulad ng mga namimili para sa mga bikitma. Kaya inisip ko na para sa isang pamilya lang ito! At ang kapansin-pansin pa ay ang sari-saring reaksyon ng mga nakatingin sa mga pamili, at sa pamilyang naghi-hintay magbayad sa kahera.
May mga natatawa, may mga nakasimangot, may mga umiiling na lang, at may mga umiikot na mga mata. Naisip ko tuloy kung naiinggit lang ba ang marami dahil hindi sila makapamili ng ganun karami, o kinokondena na rin nila ang ganitong pagpapakita ng yaman sa oras ng kagipitan? O tama ba iyong ginagawa nung namimili dahil may parating nga na malakas na bagyo, at hindi ko masasabi kung paano maaapektuhan ang bansa, partikular ang Metro Manila? Siguro iniisip niya na baka magkakagulo na ang siyudad, kaya hindi na muna sila lalabas ng dalawang buwan.
Kung marami ang nagsasabi na ginawang pantay-pantay ni Ondoy ang mayayaman at mahihirap dahil pare-pareho silang apektado ng pagbabaha, sa grocery mo naman makikita kung gaano kalayo ang agwat ng dalawa.