Dear Dr. Elicaño, ang pinsan ko po ay isa sa mga nabiktima ng bagyong Ondoy sa Cainta at hanggang sa kasalukuyan ay lubog pa rin sila sa baha, Problema nila ang kawalan ng malinis na tubig na maiinom. Ano po bang sakit ang maaari nilang makuha kapag nakainom sila ng kontaminadong tubig? – MARICRIS ng Quezon City
Mas makabubuti kung pakukuluan muna ng tatlong minuto ang tubig bago ito inumin. Ganito rin ang payo ng Department of Health hindi lamang sa mga nabiktima ni Ondoy kundi sa lahat ng mamamayan.
Isa sa mga sakit na maaring makuha dahil sa pag-inom nang hindi malinis na tubig ay ang tipus. Kapag nagkaroon ng bacteria ang tubig posibleng magkaroon ng tipus.
Ang mga sintomas ng tipus ay pananakit ng ulo, kasu-kasuan, tiyan, sore throat at pagdurugo ng ilong. Makararanas din ng pagkauhaw, pagtatae na may kahalong dugo at pagkakaroon ng rashes sa tiyan at dibdib.
Ang bacterium na dahilan ng tipus ay nasa maruming tubig. Kapag nainom ang tubig na may bacterium magsisimula na ang atake ng tipus. Depende sa dami ng organisms na nalunok kung gaano kabilis lumabas ang sintomas. Kadalasan, may mga carrier na ng tipus pero walang makita sa kanilang sintomas. Ang iba ay mild lamang ang atake kaya ipinagkakamali na gastroenteritis ang tumama sa kanila.
Kapag sobra na ang taas ng lagnat ng may tipus, manghihina siya at halos hindi makabangon. Isang delikadong mangyari ay ang paghina ng tibok ng puso. Ang iba pang kumplikas-yon ay ang pneumonia, acute hepatitis, cholecystitis, meningitis, tissue abscesses, endocarditis at kidney inflammation. Ang mga kumplikasyong ito ay maaaring ikamatay ng pasyente. Kapag nakitaan ng sintomas ang kaanak, agarang dalhin sa doctor. Bibigyan ito ng anti-biotics. Karaniwang ibinibigay na antibiotics ang chlorampenicol, ampicillin, ceftriaxone at cefoperazone. Ipinapayo ko ang paglilinis sa kapaligiran para hindi kumalat ang tipus.
Nararapat na magsa-bon at maghugas na ma-buti ng kamay pagkatapos gumamit ng comfort room. I-sterilized ang mga damit o beddings. Magpabakuna laban sa tipus.