ISANG linggo na ang nakalilipas mula nang hagupitin ng bagyong si Ondoy ang Metro Manila at maraming lugar sa South at Central Luzon. Hanggang sa kasalukuyan, ang sugat na nilikha ni Ondoy sa maraming mamamayan ay sariwang-sariwa. Marami pang lugar particular sa Cainta, Rizal at Sta. Cruz, Laguna na lubog pa sa tubig.
Sa paghagupit ni Ondoy, maraming bayani ang lumitaw. Ipinakita nila ang pagmamahal sa kapwa. Isa sa mga bayani na lumitaw habang nananalasa si Ondoy ay ang 18-taong gulang na consruction worker na si Muelmar Magallanes ng Bagong Silangan, Quezon City. Sobra-sobra pa siyang tawaging bayani sapagkat 30 tao ang kanyang nailigtas sa kalakasan ng tubig na rumagasa sa kanilang lugar. Pinakahuling nailigtas ni Muelmar ay ang anim na buwang sanggol. Pagkatapos mailigtas ang sanggol, tinangay nang malakas na agos si Muelmar at nalunod. Kinabukasan na nakita ang kanyang bangkay.
Ayon sa ina ng sanggol na si Menchie Peña- losa, nabitiwan niya ang kanyang anak habang ito ay nasa styrofoam box. Si Muelmar na paba-lik na at nakapagligtas na ng 29 katao ay mabilis na sinagip ang inaanod na stryofoam na kinaroroonan ng sanggol. Iyon pala ang kahuli-hulihang ililigtas ni Muelmar.
Iyak nang iyak si Menchie. Hinding-hindi raw niya makakalimutan si Muelmar na sa kagustu- hang mailigtas ang kanyang anak ay hindi na inalala ang sariling kaligtasan.
Sabi ng mga magulang ni Muelmar, hindi raw nila akalain na ang pananalasa ni Ondoy ang magdudulot sa pagkawala ng kanilang anak. Mabait daw ang kanilang anak at handang tumulong sa mga nasa bingit ng panganib. Hindi raw nila malilimutan ang bangis ni Ondoy na kumitil sa buhay ng kanilang anak.
Higit pa sa isang bayani si Muelmar dahil sa dami ng buhay na kanyang nailigtas. Siya ang dapat parangalan sapagkat handang tumulong sa oras ng panganib. Di-hamak na talo ni Muelmar ang ilang pulitiko na kailangan pang ibandera ang pangalan para masabing tumulong.