KASAGSAGAN nang pagiging abala ng mga alagad ng batas at iba’t ibang ahensiya ng otoridad sa pagtulong sa rescue at relief operations sa mga biktima ng bagyong “Ondoy”, isang grupo naman ang sumalakay sa Maynila.
Etong grupo na mas matindi pa sa bagyo kung manlimas ng kabuhayan ng mga establisyamento’t negosyo ng ating mga kababayan.
Daig pa ang bagyo sa lakas ng apog na manloob at magsagawa ng krimen sa panahong nagdadalamhati ang karamihan sa mga Pilipinong naapektuhan ng katatapos lamang na kalamidad.
Kahapon ng madaling-araw, sumalakay ang notor- yus na grupo ng Alvin Flores Group sa Harrison Plaza sa Maynila. Tinatayang P9 milyon daw ang natangay ng grupo.
Ano pa nga ba ang kanilang estilo, sa mahigit 10 armadong kalalakihan ng grupong ito, pawang mga nakasuot pa rin ng unipormeng pampulis, SWAT at mga kasuotang may BITAG na nakalimbag sa kanilang likuran.
Habang abalang-abala ang tunay na grupo ng BITAG sa pagsusuplay ng tubig, kandila at posporo sa mga lugar na hindi pa naaabot ng mga donasyon at tulong sa Cainta, Rizal at Pasig, abala rin pala ang kolokoy na si Alvin Flores at kanyang grupo.
Pinuslitan maging ating mga kapulisan, alam na walang nakamatyag at nakabantay sa mga magaganap na krimen sa lansangan dahil nakatuon ang pansin ng lahat sa pagsaklolo sa ating mga kababayan.
Hindi na nga inaasahan ng ating pamahalaan ang dulot ng sakunang ito sa ating bayan kaya’t hindi man diretsahang aminin ay “nangarag” ang buong Pilipinas.
Eto’t sinabayan pa ng mga hinayupak at putok sa buhong mga hold aper na imbes makatu long sa kapwa at sa ekonomiya ay dagdag pa sa alalahanin at problema sa ating bansa.
Tipo ng grupong ito ang hindi dapat pinatatagal sa ating lipunan, inuubos at hindi binibigyan ng puwang na gumala sa lansangan.
Malamang ay nag-hahalakhakan ang mga hunghang na ito dahil nakapuslit sila sa kanilang panloloob habang nakatalikod ang mga otoridad.
Ano naman kaya ang masasabi ng pambansang kapulisan? Tsk-tsk-tsk!